
Ibinahagi ni Kapuso actor Jason Abalos na muli nilang ipinagpaliban ng beauty queen na si Vickie Rushton ang kanilang kasal dahil nausad din ang petsa ng beauty pageant na sasalihan ng huli sa susunod na taon.
Sa panayam ng 24 Oras kay Jason, sinabi niyang ayos lamang sa kanya na muling maipagliban ang kasal dahil gusto niyang magawa ng girlfriend niya ang lahat nais nitong gawin habang dalaga pa.
“Ako kasi hinahayaan ko lang si Vickie na gawin niya 'yung gusto niyang gawin hanggang dalaga siya, kasi sabi ko kapag kako kasal na tayo, may mga bagay ka nang hindi magagawa.
“Tutal naman medyo puwede pa 'yung edad niya, ako naman lalaki, sabi ko sige hintay pa tayo. Siguro max na 'yung three, four years,” aniya.
Gayunman, nauna na niyang sinabi na ngayon pa lamang ay nagpaplano na sila ni Vickie ng kanilang mga hakbang na gagawin sa oras na mag-settle na sila.
Source: thejasonabalos (IG)
Samantala, habang hindi pa abala sa wedding preparations ay tuloy ang pagtanggap ng aktor ng acting projects.
Ang latest niyang proyekto ay ang bagong episode ng Tadhana kung saan makakatrabaho niya ang aktres na si Katrina Halili.
Nang makapanayam ng 24 Oras, ibinahagi ni Katrina na hindi naging madali ang mga eksena dahil kahit balik-trabaho na ay marami silang sinusunod na protocols laban sa COVID-19.
“Medyo mahirap 'yung ngayon kasi may mga eksena kaming maseselan, kasi parang nire-rape rin niya 'yung asawa niya, e.
“May ganu'n din kaming scene na nire-rape ka mag-isa. So, ang hirap. Pati 'yung binubugbog ka, siya lang din mag-isa kasi nga hindi kami puwedeng magtama masyado.
“Iniiwasan 'yung pinaghaharap tapos magko-confrontation, ganyan,” ani Katrina.