
Muling nagpakilig sa mga manonood sina Wendell Ramos at Katrina Halili matapos silang magsama sa family sports drama series na Kamao.
Nagbahagi kamakailan si Wendell ng isang behind-the-scenes video mula sa set ng Kamao, tampok ang kanilang eksena ni Katrina sa serye. Agad itong umani ng atensyon mula sa netizens, na hindi napigilang balikan ang tambalan nina Wendell at Katrina sa hit family drama ng GMA noong 2019-2022 na Prima Donnas, kung saan ginampanan nila ang mga karakter nina Jaime Claveria at Lilian Madreal-Claveria. Sa serye, si Lilian ay ang surrogate mother ng tatlong anak nina Jaime at Maita Claveria (Glaiza De Castro).
Sa comment section ng naturang video, maraming fans ang nagpahayag ng kanilang kasiyahan na makita sina Wendell at Katrina muli sa iisang proyekto. May ilan ding nagsabing naalala nila ang kanilang mga eksena sa Prima Donnas dahil sa kanilang natural na chemistry sa screen.
Samantala, sa Kamao, ginagampanan ni Wendell ang karakter ni Caloy, isang boxing champ na ngayo'y promoter. Ginagampanan naman ni Katrina sa serye ang karakter ni Nadia, ina ng boksingerong si MakMak (Anton Vinzon).
Si Caloy ang nagbunyag ng tunay na katauhan ng asawa ni Nadia na si Nonoy (Neil Ryan Sese), isang closeted gay boxer. Nagpakilala si Caloy bilang secret admirer ni Nadia para ligawan ito na ituloy ang laban ni MakMak. Pumayag si Nadia sa gusto ni Caloy, pero nagbigay siya ng isang kondisyon: ang papanalunin si Makmak sa match.
Mapapanood ang Kamao weekdays sa oras na 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG KAPUSO LOVE TEAMS NA NAGPAKILIG SA MGA MANONOOD.