
Maraming humanga sa katapangan at dedikasyon ni Wendell Ramos nang makita siyang nagboluntaryo bilang bumbero.
Noong pandemya, sumali siya sa volunteer training program ng Ang Bumberong Pilipinas (ABP), kung saan maraming naaliw at sumaludo sa kanya. Ibinahagi rin ng netizens ang kanyang mga larawan sa social media, kasama ang mga magagandang komento nila tungkol sa kabayanihan ng aktor.
Sa isang panayam kasama si Ogie Diaz, binalikan ni Wendell ang kanyang karanasan bilang volunteer first responder. Sumali raw siya sa programa dahil nais niyang maging aktibo sa kasagsagan ng quarantine noong pandemya.
"In times in pandemic, dumating din 'yung time na after three months medyo lumuwag. Pero lahat tayo hindi pa rin basta-basta makalabas. One time I went to Sampaloc, sa mga kaibigan natin, 'yung mga kapitan du'n kaibigan ko. Sabi niya, 'Kung gusto mong magbumbero, [sumali] ka.' Sige! Gusto ko gumawa ng activities kasi lahat tayo na-stop, e. So, instead of thinking too much du'n sa mga nangyayari sa mundo natin parang, 'Sandali. Ano pa ba pwede kong gawin na maging active?'" paliwanag ni Wendell.
Nang nasa training na mismo ang aktor, natutunan niyang mahalin ang kanilang ginagawa. Ayon kay Wendell, kahit nasa training pa lang sila, hindi nila maiwasang sumabak kaagad sa trabaho kapag may mga biglaang sunog sa lugar.
Isa sa mga hindi niya malilimutang karanasan ay noong umakyat siya, kasama ang iba pang volunteers, sa bubong para mapatay ang apoy. Sa kabila ng mapanganib na sitwasyon, pangyayari, hindi raw naisip ni Wendell noon ang posibilidad na maaksidente sila sa trabaho.
Maliban dito, hindi raw makalilimutan ni Wendell ang pasasalamat ng mga tao pagkatapos mapatay ang apoy. Dahil sa buong karanasan na ito, mas humanga raw siya sa volunteers at mga totoong bumbero.
"Grabe! Iba ang feeling, [Ogie]. It was a great experience. Mas doon lalo lumalalim 'yung mga pang ano natin sa buhay," sabi niya.
Mas nagpasalamat din siya sa mga biyayang mayroon sila ng kanilang pamilya at marami ring natutunan sa buhay.
Aniya, "Maisip mo na we're so blessed talaga. 'Di naman sa sinasabi nating kawawa 'yung mga kapwa natin syempre 'di natin pwede kwestyonin ang Diyos sa part 'yun. Pero alam mo 'yung uuwi ka na, 'Ang blessed ko pala.' Ang dami nating desire sa buhay, ang dami nating iniisip."
Bilang ama, nais din niyang matutunan ng kanyang mga anak na labis magpasalamat sa mga biyayang nakukuha nila.
Samantala, kasalukuyang napapanood si Wendell sa GMA Afternoon Prime series na Shining Inheritance. Bahagi rin siya ng upcoming Metro Manila Film Festival 2024 entry na Green Bones. Kasama niya ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at Action Hero na si Ruru Madrid.
Balikan ang hot photos ni Wendell Ramos sa gallery na ito: