
Masayang inanunsyo ng controversial content creator na si Whamos Cruz at kanyang partner na si Antonette Gail Del Rosario nag magkakaroon na sila ng pangalawang anak.
"ISANG ANGEL NA NAMAN ANG DARATING SA BUHAY NATEN," ika ni Whamos sa kanyang Facebook post.
Ayon sa vlog ng couple, hindi nila pinlano ang kanilang pagbubuntis pero perfect timing na rin daw na masundan ang kanilang panganay na si Meteor na dalawang taong gulang na. Kung ipagkakaloob, nais raw nila magkaroon ng baby girl dahil ito rin ang wish ng kanilang panganay.
Samantala, sa gitna ng exciting na moment para sa pamilya, patuloy pa ring nakararanas si Whamos ng pambabatikos mula sa mga taong iniuugnay ang lahat sa kanyang pisikal na anyo.
Binanatan ng social media personality ang mga nagsasabi na huwag niyang makamukha ang kanyang second baby.
Daing niya, "Eto na naman tayo sa huwag ko daw sana maging kamukha ang baby paglabas, hays. Hanggang kailan n'yo ba ako lalaitin? Hanggang sa pagtanda ko ba? Bakit ba hindi na lang kayo maging masaya para sa 'kin? Ano bang maling ginawa ko sa inyo? Tapos sasabihin pa ng iba, hindi ko raw anak na naman."
Matatandaang naging tampulan din ng pangungutya si Whamos nang isilang ang unang anak nila ni Antonette Gail na si Meteor dahil malayo umano ang itsura ng bata sa kanyang ama.
Tinanggap naman ni Whamos ang hamon ng netizens na magpa-DNA test sila ni Meteor upang malaman ang katotohanan.
Ipinanganak si Meteor noong January 24, 2023.
Related content: Whamos Cruz's bonding moments with son Meteor