
Naging usap-usapan ang gown ni Kapuso star Yasmien Kurdi sa GMA Gala 2025 na naganap noong August 2. Bukod kasi sa simple, elegant look nito, upcycle umano ang kanyang gown mula sa sinuot niya sa StarStruck Season 1 judgment night noong 2004.
Sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, August 12, ibinahagi ni Yasmien na naisip niyang magkaroon ng sustainable fashion sa GMA Gala. Kasabay nito, gusto umano ng aktres ng isang elegante ngunit meaningful na gown sa selebrasyon ng 75th anniversary ng GMA.
“Para something naman na may dating kasi babalik ako ulit ng GMA sa Gala so I want something na may impact or may sentimental [value] ba. May storya, ganu'n. And it brings a lot of memories,” sabi ng aktres.
Ipinaalam niya sa kanyang stylist ang kanyang plano at isa sa suggestions nito ay ang gamitin niya ang isa sa mga dating gown niya. Dito umano naisip ni Yasmien ang naturang gown noong maging First Princess siya sa Season 1 ng reality artista search.
“So sabi niya sa akin, para respeto din sa designer, sabihan mo siya na i-a-upscale mo siya. Nu'ng sinabi ko kay JC (JC Buendia), nako, sobrang happy niya and then masaya din kasi para siyang reunion and then we had the chance to have a conversation,” sabi ni Yasmien.
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA ISINUSULONG ANG SUSTAINABLE FASHION SA GALLERY NA ITO:
Pag-amin ng aktres ay kung dati nahihiya pa siya kay JC magbato ng ideas para sa gown, ngayon ay nakakausap na niya ito nang maayos. Dagdag pa ni Yasmien ay gusto ngayon ng naturang designer na gumawa ng meaningful projects kaya naman, very timely umano ang request niya para sa naturang gown.
Ngunit sabi ng aktres, kinailangan maglagay ni JC ng dalawang ribbon sa likod ng gown dahil hindi na ito kasya matapos ng huli niya itong isuot 21 years ago.
Tanong sa kanya ni King of Talk Boy Abunda, “How much of that girl is still there?”
“I'm still the same Yasmien. Siguro ano lang, sumikip 'yung gown and mas upgraded version lang of my same self,” sagot ng aktres.