
Balik show business na si Timmy Cruz matapos ang ilang taon niyang pamamahinga sa kanyang career sa entertainment industry dahil sa kanyang naging karamdaman.
Kabilang si Timmy sa star-studded cast ng pinakaaabangan at bagong murder mystery drama series na Widows' War.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa actress-singer, sinagot niya ang katanungan kung kumusta ang working relationship nila ni Bea Alonzo.
Sagot niya, “It is my first time working with Bea [Alonzo]. I'm really happy to be working with her.”
Kasunod nito, sinabi ni Timmy na noon pa niya pinanonood si Bea sa mga pelikula ng huli.
“All these years… pinanonood ko ang movies niya. Napakagaling niyang artista at napakaganda,” sabi niya.
Si Timmy ay makikilala sa upcoming series bilang si Mercy Castillo, ang ina ni Sam Castillo, na gagampanan naman ni Bea.
Para sa 57-year-old actress, itinuturing niyang magandang oportunidad na nakasama niya sa isang proyekto si Bea.
Sabi niya, “Now that I'm closely working with her bilang nanay niya I'm very happy about it. Thank you so much for this beautiful opportunity.”
Abangan ang karakter nina Bea at Timmy sa Widows' War, mapapanood na simula July 1 sa GMA Prime.