
Nag-viral kamakailan ang pag-iyak ni Wilbert Ross dahil mabilis na sold out ang kanyang WRten By concert sa July 25 and 26 sa New Frontier Theater.
Sa ginanap na press conference noong Miyerkules, May 13, nabanggit ng actor-singer na matinding anxiety ang nararamdaman niya bago ang simula ng pagbebenta ng ticket para sa kanyang two-night concert.
Paliwanag niya, “Hindi ko alam, never akong nakampante sa buhay. Nandoon ako lagi sa thought na hindi ako sure kung kaya kong mapuno or madami bang manonood. Basta ang nasa isip ko lang, sana ma-sold out ko siya kahit gaano katagal.
“Kasi, hindi ko alam kung makakaulit pa ako. For me, this is the perfect chance lang to do it and to share my music.
“Yun lang po yung wish ko. Hindi ko lang in-expect na ganun kabilis mag-sold out, kaya po ako naging emotional.”
Kaya labis ang pasasalamat niya sa kanyang fans na nagpadama ng mainit na suporta sa kanyang solo concert.
“Happy po ako, lalo na noong nalaman kong marami palang silent fans lang na bumili. Like, hindi sila active na nagko-comment o nagpo-post about me, pero silently nag-aabang lang pala sila for my concert. Kasi, they want to share the music din, gusto lang din nilang marinig ako nang live, so nakakatuwa po.”
Ang WRten By ay isang paraan ng pagdiriwang ni Wilber ng kanyang 10th showbiz anniversary.
Kung ikukumpara sa mga dating kasamahan sa grupong Hashtags, maaaring masabi na tila mabagal ang naging pag-usad ng kanyang career.
Pero aminado si Wilbert, “slow burn” ang kanyang naging showbiz career.
Sa katunayan, aniya, “understandable” na hindi siya nakasabay sa kanyang mga kasamahang umangat agad ang solo careers.
Paliwanag niya, “Sa state ng hitsura ko noon at sa skill ko as a songwriter-singer, wala po talaga. If we're talking about that phase—2018, 2019, 2020—agree po ako na hindi po talaga ako kapansin-pansin. Pati yung singing ko at yung music ko, hindi po talaga siya special.
“Yun po talaga, siguro timing lang talaga ng mga bagay-bagay. Kasi, sure naman po ako na hindi talaga ako magkakaroon ng opportunity or magbo-boom talaga kasi kulang talaga. So, nag-take ng time para ma-develop hanggang sa mahinog po.”
Related gallery: 'Hashtags': Where are they now?
Sa kabila nito, hindi naman daw sumagi sa isip ni Wilbert ang mag-quit na lang sa showbiz.
Pag-amin niya, nagkaroon lang siya ng ilang breakdowns.
“Hindi sumasagi sa isip ko na hindi na ito yung gagawin ko. Breakdown lang, na parang frustration,” pahayag ni Wilbert.
“Kasi, di ba, may mga tao talaga na hard sa kanila ang life. Parang ang nangyayari po is iyak lang. Then, bukas, grind ulit, sulat ulit ng bagong kanta, hoping ulit na gagawa ulit ng content sa social media, hoping na mapansin ng producers.
“Ganun ako, e, iyak lang, then, go na ulit. Never sumagi sa isip ko na parang itigil ko na 'to. Kasi, hindi ko nakikita ang sarili ko na gumagawa ng ibang bagay other than performing ang sharing my arts.”
Sa huli, natanong si Wilbert kung ano ang natutuhan niya sa kanyang naging showbiz journey.
Sagot niya, “Sa mga pinagdaanan ko, if you really want something, dapat sure ka sa kung ano ang gusto mo. Talagang straight dapat ang tingin mo sa goal mo. Whatever happens, straight lang ang tingin.
“Kasi, kung ikaw mismo hindi ka naniniwalang mangyayari ang isang bagay, paano mangyayari yun? Dapat magsimula sa 'yo yung paniniwala sa sarili mo bago yung ibang tao.”