
Tila wala pa ring naka-move on sa heart-fluttering moments ng Love You So Bad main leads na sina Will Ashley, Bianca De Vera, at Dustin Yu.
Nitong Martes (December 16), hinarana ng trio ang madlang people sa nakakakilig na awiting “Panalangin” ng APO Hiking Society.
Unang kumanta ang Nation's Son na si Will Ashley, na lalong naging charming sa It's Showtime stage. Mas lalong kinilig ang audience nang sumunod si Bianca De Vera at lumapit pa kay Will para sa kanilang duet.
Lumakas muli ang tilian nang pumasok naman sa eksena ang Chinito Boss-Sikap ng Quezon City na si Dustin . Matamis pang nagtitigan ang DusBia habang sabay na umaawit on stage.
Pagkatapos ng kanilang harana, masayang bumati ang tatlo sa madlang people at game nakipagkulitan sa mga host.
"Biancs, kung ikaw ay magbibigay ng regalo kay Will. Ano ang regalo ibibigay mo?" tanong ni Vhong.
"Kay Will siguro quality time," sagot ni Bianca na ikinatili ng fans.
Para naman kay Dustin, nais naman ni Bianca na bigyan ito ng acts of service.
Ano naman kaya ang ireregalo ng dalawang boys kay Bianca?
"Ako naman siguro quality time din and gifts," matamis na sinabi ni Dustin.
"Ang ireregalo ko kay Bianca, ticket papunta sa ibang bansa para hindi niya makalimutan 'yung memory," dagdag naman ni Will.
Kaagad namang pinusuan ng fans online ang kanilang sweet moments sa noontime show. Naging trending topic pa ito sa X (dating Twitter), kung saan dagsa ang photos at videos nila on and off air.
Mapapanood ang Love You So Bad sa mga sinehan ngayong Pasko bilang official entry ng 2025 Metro Manila Film Festival.
Ito ay collaboration project ng GMA Pictures, ABS-CBN, Star Cinema, at Regal Entertainment sa direksyon ni Direk Mae Cruz Alviar.
Panoorin ang official trailer ng Love You So Bad sa video na ito:
Samantala, subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.