
Puno ng kagalakan at pasasalamat na ibinahagi ng Kapuso heartthrob na si Will Ashley ang kuwento sa likod ng pagkakapili sa kaniya bilang bida sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Delivery Boi, pati na ang mga paghahandang ginawa niya para sa naturang proyekto.
Sa kaniyang pagbisita sa Chika Cart noong Miyerkules, Oktubre 14, tinanong siya ng mga host na sina Baninay Bautista, Donita Nose, at Jeff Fernando kung paano napunta sa kaniya ang naturang proyekto.
Ayon kay Will, habang nasa loob pa siya ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition, pinag-iisipan na ng production team na gumawa ng kuwento para sa kaniya sa pamamagitan ng Delivery Boi.
“Ang sinabi nila sa akin talaga, nasa loob pa lang ng Bahay ni Kuya, parang naiisipan talaga nila na lagyan ng story itong Delivery Boi para sa akin talaga,” kuwento ni Will.
Pinatunayan naman ito ng “Chika Influencer” na si Baninay, na kabilang din sa cast ng serye. Aniya, noong story conference pa lamang ay nabanggit nang hinihintay talaga ang paglabas ni Will sa PBB house upang opisyal na gampanan ang lead role.
Dahil sa malaking tiwalang ibinigay sa kaniya, napawi raw ang pagod na pinagdaanan niya mula nang magsimula siya sa showbiz.
“Parang noong narinig ko 'yon, parang napawi lahat ng pagod na pinagdaanan ko simula noong 11 [years old] ako kasi from auditions, binigay na nila, pinagkatiwala sa akin itong Delivery Boi,” pahayag ng Kapuso actor.
“Nakakatuwa kasi grabe 'yung opportunity talaga na dumarating sa buhay ko ngayon. I'm very grateful,” dagdag pa niya.
Madali para kay Will ang pagbuo sa karakter ni Boi
Nang tanungin tungkol sa paghahanda niya para sa role, sinabi ni Will na hindi siya gaanong nahirapan sa pagbuo ng karakter dahil hindi ito nalalayo sa kaniyang totoong personalidad.
“Nauna talaga 'yung pagbuo sa character ni Boi, pero nakakatuwa dahil hindi naman siya nalalayo sa akin sa personality ko. Si Boi; hardworking, very positive [thinker], good son, parang lahat talaga gagawin niya, hindi siya nagbibigay ng kahit anong pagdududa sa isang tao. Kaya naging madali siya for me,” ani Will.
Gayunman, inamin ng Kapuso star na ang tunay na hamon sa kaniya ay ang pagmamaneho ng manual na motorsiklo, isang mahalagang kasanayan para sa kaniyang papel bilang delivery rider.
“'Yung paghahanda naman, hindi ako marunong ng manual na motor. 'Yun 'yung naging challenge ko kasi siyempre ang hirap umarte ng hindi ka marunong magmotor lalo na 'yung mga eksena mo,” pagbabahagi ni Will.
Dagdag pa niya, “Iisipin mo 'yung clutch, iisipin 'yung emotion mo, iisipin mo 'yung lines mo; doon talaga nanggaling 'yung mga workshops namin kaya ngayon nagiging madali na lang siya.”
Abangan si Will sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Delivery Boi, simula Oktubre 19.
Makakasama niya sa serye ang ilan sa mga mahuhusay na aktor na sina Mika Salamanca, Keempee De Leon, Meryll Soriano, Maricar De Mesa, Gio Alvarez, Mikoy Morales, Yasser Marta, Vince Maristela, Angellie Sanoy, Juharra Asayo, at Eric Quizon.
Kabilang din sa cast sina Ariel Villasanta, Baninay Bautista, Jemwell Ventinilla, Ryan Viray, at Limuel Mendoza.
Samantala, panoorin ang Chika Cart para sa hottest and trending showbiz stories. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, mula 5:15 p.m. hanggang 6:00 p.m. sa GTV, ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube channel, at GMA Network TikTok account.
Mapapanood din ang catch-up episode sa Kapuso Stream tuwing 9:30 p.m.
Huwag ding palampasin ang Chika Cart Add Pa More! tuwing 6:00 p.m. hanggang 6:30 p.m. sa ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube channel at GMA Network TikTok account.
Manatiling updated sa mga pinakabagong chika, exclusive content, at trending topics sa pamamagitan ng pagbisita sa opisyal na website ng GMA Network at sa social media pages ng Chika Cart.
Facebook: https://www.facebook.com/ChikaCartGTV
Instagram: https://www.instagram.com/chikacartgtv/
X: https://x.com/ChikaCartGTV
Related Gallery: Fun moments at the 'Delivery Boi' media conference