
Bago ang nalalapit na pagtatapos ng biggest collaboration series ng GMA, ABS-CBN, at Viu na Unbreak My Heart, mayroong mga ibinunyag ang ilang mga aktor na kabilang sa serye.
Kamakailan lang, napag-alaman ng GMANetwork.com na labis na napahanga ng Kapuso actor na si Will Ashley ang ilan sa kanyang co-stars.
Isa na rito ang Kapamilya actress na si Nikki Valdez.
Sa finale mediacon ng Unbreak My Heart, nagkwento si Nikki tungkol kay Will, ang gumaganap bilang anak niya sa serye.
Kasunod nito, ibinahagi naman ni Will ang ilang detalye tungkol sa working relationship nila ni Nikki.
Ayon sa Sparkle star, malapit na ang kanyang loob sa aktres.
Pahayag ni Will, “Sobrang naging palagay na 'yung loob ko kay Ate Nikki.”
Dagdag pa ni Will, itinuturing din niyang mommy si Nikki kahit off-cam.
Sabi niya, “Mag-isa lang kasi ako noon sa taping sa Europe, hindi ko kasama si mommy. Si Ate Nikki 'yung naging nanay ko sa loob ng halos isang buwan… [on and off-cam].”
Samantala, isa si Nikki sa mga aktor na nakapansin ng excellent acting skills ni Will.
Kasalukuyan silang napapanood bilang mag-ina sa serye na sina Luz at Jerry.
Bukod kina Nikki at Will, parte rin ng pinag-uusapang serye sina Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Richard Yap, Jodi Sta. Maria, at marami pang iba.
Patuloy na tumutok sa natitirang ilang linggo ng Unbreak My Heart.
Mapapanood ang naturang serye tuwing Lunes hanggang Huwebes sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies, 9:35 p.m., at sa GTV naman ay sa oras na 11:25 p.m.
Maari rin itong mapanood sa GMA Pinoy TV at TFC.
Para naman sa advance streaming, ipinapalabas ito sa GMANetwork.com, iWantTFC, at Viu.