
Marami ang nagulat at kinilig sa naging aminan ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition stars na sina Will Ashley at Mika Salamanca.
Sa kanyang latest vlog, hinamon ni Mika si Will sa isang lie detector test kung saan kailangan sagutin ng Nation's Son ang hot seat questions tungkol sa mga kaganapan sa loob ng PBB house at sa outside world.
Sa katanungan kung sinong Kapuso star ang nais maka-duo ni Will noon, deretsahang sinagot ng aktor na si Mika ang kanyang pipiliin.
"Sabi ko nga di ba, kapag meron Kapuso na magiging ka-duo, ikaw ang pipiliin ko," paliwanag ni Will.
Dagdag pa ni Mika, "Guys totoo ito, seryoso ito. Pinag-uusapan namin 'to ni Will sa loob ng bahay ni Kuya. Lagi namin pinag-uusapan, 'Sana pwede 'yung Kapuso to Kapuso' or 'Baka may chance na pwedeng Kapuso to Kapuso tapos pwede natin mag-try maging ka-duo.' Kasi parang out of anyone or everyone na nasa Kapuso, si Will talaga 'yung gusto ko makaduo talaga."
Lalong uminit ang usapan nang tanungin ni Mika kung may natipuhan si Will sa loob ng PBB house. Ngumiti lamang ang aktor at umamin na meron siyang nagustuhan.
Sa kanilang kulitan, ibinunyag din ni Will na si Mika ang kanyang tinutukoy.
"Sinabi ko ngayon lang. Sinabi ko, 'Ikaw,'" hirit ni Will.
"Ah. Kuya, nagsasabi ba siya ng totoo?" tanong ni Mika sa nasa likod ng lie detector.
Nang kumpirmahin ng lie detector na totoo ang sagot, napasigaw at natawa na lang si Mika.
Ani ng aktres, "Ano lang naman 'yun, kumbaga pagkagusto ng someone is paghanga lang naman."
"Huwag mo na i-explain, mukhang defensive," banat ni Will na ikinatawa ni Mika.
Hindi rin nakaligtas ang Kapuso Big Winner sa parehong tanong nang siya naman ang sumalang sa challenge.
Sa una'y itinanggi niya na may nagustuhan siyang housemate, ngunit nahuli siyang nagsisinungaling.
"Kung papangalanan mo, sino?" biro ni Will.
"Ay hindi! Hindi pwede pangalanin," hirit ni Mika.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 525,000 views ang vlog ni Mika.
Naging isa rin ito sa mga paboritong “Pamilya De Guzman” moments ng fans matapos ang kanilang PBB season.
Panoorin ang video nina Mika Salamanca at Will Ashley dito: