
Isa si Nikki Valdez sa mga aktres na nakapansin ng kakaibang acting skills ng Sparkle star na si Will Ashley.
Kasalukuyang napapanood sina Nikki at Will sa biggest collaboration series ng GMA, ABS-CBN, at Viu na Unbreak My Heart.
Hanga ang aktres sa paghugot ng young actor sa ilan sa kanilang mga eksena bilang mag-ina sa serye na sina Luz at Jerry.
Sa finale mediacon ng Unbreak My Heart, ibinahagi ni Nikki kung bakit hanga siya sa young actor at kung ano ang napansin niya bilang co-star nito.
Pahayag niya, “Sa serye, anak ko siya sa first husband ko so, before I met my second husband, nagkaroon ng time na ako lang 'yung nagpapalaki sa kanya. Actually, mayroong scene na pinalabas… mga linya namin doon na ito 'yung nagsa-struggle siya… parang true to life.”
“I have a teenager also na daughter… so, may mga ganon din kaming moments na naka-relate rin ako kaya very true to life 'yung mga eksena namin ni Will as mother and son,” dagdag pa ni Nikki.
Pahabol pa ng aktres, “Masarap maging nanay niya sa Unbreak My Heart kasi ano… masunurin at saka close kami. Will has a long way to go. Nakikita ko sa kanya, very deep itong batang ito.”
Bukod kina Nikki at Will, napapanood din sa serye sina Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Richard Yap, Jodi Sta. Maria, at marami pang iba.
Patuloy na tumutok sa natitirang ilang linggo ng Unbreak My Heart.
Mapapanood ang naturang serye tuwing Lunes hanggang Huwebes sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies, 9:35 p.m., at sa GTV naman ay sa oras na 11:25 p.m.
Maari rin itong mapanood sa GMA Pinoy TV at TFC.
Para naman sa advance streaming, ipinapalabas ito sa GMANetwork.com, iWantTFC, at Viu.