
Ayon sa Kapuso star na si Will Ashley, pangarap niya talaga ang mapasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF). At sa unang pagkakataon, kasama ang hindi lang isa pero dalawang pelikulang pinagbibidahan niya sa naturang film festival ngayong taon.
Bibida si Will sa Bar Boys: After School at Love You So Bad.
“Super excited ako kasi pinapangarap ko lang 'to dati na mapasama sa MMFF and who would've thought sa first time ko, dalawa pa ang makakapasok na films na ginawa ko,” sabi ng aktor sa exclusive interview ng GMANetwork.com kamakailan sa event ng Ikea sa Pasay City.
Ang Bar Boys: After School ay sequel ng pelikulang Bar Boys na lumabas noong 2017. Nagbabalik ang original cast nitong sina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda, at Kean Cipriano. Sa pelikula, gaganap si Will bilang Arvin Asuncion.
Samantala, sa Love You So Bad, bibida si Will kasama ang fellow Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition ex-housemates na sina Bianca De Vera at Dustin Yu. Ito ay isang collaboration project sa pagitan ng GMA Pictures, Star Cinema, at Regal Entertainment.
Paano naman pinaghandaan ni Will ang mga pelikula lalo na at drama ang mga ito?
“Good thing about the two films hindi siya nagsabay ng shoot, nagkaroon ako ng time to prepare sa parehong pelikula na 'yun. With the help of my directors na sina direk Kip Oebanda at direk Mae (Cruz-Alviar), talagang hands-on sila sa amin, sa akin especially sa pagbuo ng karakter o para magampanan ko ang characters nang maayos,” paliwanag ni Will.
Excited na rin siyang mapanood ng kaniyang fans at moviegoers ang mga pelikula dahil marami raw ang makaka-relate sa mga ito.
“I'm very excited kasi napakaganda ng story, ng dalawang pelikulang ito and excited ako mapanood ito ng mga tao kasi I'm sure maraming makaka-relate,” saad ng aktor.
RELATED GALLERY: MMFF 2025 OFFICIAL ENTRIES