
Simula September 5 hanggang October 5 ay ipinagdiriwang ang National Teachers' Month.
Sa naganap na Kapuso Artistambayan kamakailan kasama sina Balota stars Will Ashley, Royce Cabrera, Raheel Bhyria, at Sassa Gurl, nagbigay sila ng nakatutuwang mensahe ng paghanga at pasasalamat para sa lahat ng mga guro.
Labis ang pasasalamat ni Royce sa mga guro dahil sa kabila ng mga hamon na kanilang kinakaharap ay patuloy pa rin sila sa pagtuturo at paggabay sa mga estudyante.
“Gusto ko lang magpasalamat sa kanila kasi kahit na ang daming dagok na dumarating sa buhay nila.. I mean 'di ba. Kumbaga may sarili silang pamilya, may sarili silang buhay, pagdating nila sa eskwelahan, may panibago silang pamilya.
“Ang dami nilang challenges na kinakaharap pero nandoon pa rin sila para magturo, mag-guide sa atin nang tama. Isang malaking pasasalamat po para sa inyong lahat,” aniya.
Ayon naman kay Will, maituturing din na mga hero ang mga guro.
“Ako bilang isang estudyante, nagpapasalamat ako siyempre sa walang-sawang pagturo and sa mahabang pasensya nila. Kaya isa kayo sa maituturing na hero din talaga namin,” saad niya.
Kwento naman ni Sassa Gurl, iniidolo niya ang mga guro dahil sa pagiging passionate sa kanilang trabaho.
“Alam mo ang mga teacher lagi ko 'yan ini-i-skit, lagi ko 'yan kino-content. Bukod sa kumukuha ako ng inspiration sa kanila, talagang idol 'yang mga 'yan. Sabi nga ng mga teachers sa TikTok, sobrang tagal nilang nagtuturo, ang tagal ng duty nila, tapos hindi gano'n kalaki 'yung sahod nila compared doon sa work na ginagawa nila pero ginagawa pa rin nila with passion. Lalong lalo na 'yung mga naging teacher ko noong high school, talagang passionate magturo,” anang social media star.
Ayon naman kay Raheel, mas kailangan bigyan ng recognition ang mga guro dahil sa kanilang ginagawa para sa ikabubuti ng mga estudyante.
“Gusto ko lang sabihin na teachers are very underappreciated. Sila po ay isa sa may pinakamahirap na trabaho sa buong mundo and they are very underpaid.
“Sila po ang dahilan kung paano po tayo lumaki, ano po tinuturo nila sa atin. I feel like they deserve more recognition sa ginagawa nila,” saad niya.
Samantala, mapapanood ang Balota in cinemas nationwide ngayong October 16.