
Excited na ba kayo sa bagong segment ng 'Wowowin' na Cash-Salo? Tutok na sa February 1.
By CHERRY SUN

Dalawang tulog na lang ay mapapanood nang muli ang mas pinabonggang variety game show ni Willie Revillame, ang Wowowin.
“Handang handa na po. Lagi naman tayong handa Tito Mike, basta magbibigay ng saya, tulong at pag-asa bente-kwatro oras,” sambit ni Willie sa kanyang live interview sa 24 Oras kagabi (January 29).
IN PHOTOS: Ang kaabang-abang na pagbabalik ng 'Wowowin' sa Kapuso network
Ano-ano nga ba ang dapat abangan ngayong araw-araw na mapapanood ang Wowowin?
Ani Kuya Wil, “First time n'yo makakakita ho ng maraming LEDs, matitinding mga ilaw. Gusto ko kasi ang feeling ko ‘yung ating mga mahal na kababayan at Kapuso na hindi nakakakita ng mga show sa Las Vegas, gusto ko live mafi-feel nila lahat ‘yan. At siyempre ito pong studio ng bawat Pilipino, para po sa kanilang lahat ‘to.”
Ipinakita rin niya ang bagong palaro sa Wowowin na ‘Cash-Salo.’ Paliwanag niya, “Ang mangyayari d'yan, magwawalis ka ng pera, sasaluhin mo ang pera kaya po Cash-Salo ‘yan.”
Dagdag din niya na Wowowin ang mismong lalapit sa mga tahanan. Pahayag ni Kuya Wil, “Hindi lang ho dito sa studio ‘yan. Abangan n'yo ho, iikot ako sa buong Metro Manila. May dala akong malaking truck. Kakatok akong bigla sa mga bahay n'yo. 'Pag bukas n'yo, naglalaba ka, nagluluto ka, kahit ano, natutulog ka, gigisingin kita. Dadalhin kita sa labas, magka-Cash Salo ka. Magsasalo ka ng pera. Ganun kasimple lang manalo."
Alay raw ng Wowowin ang programa bilang gamot sa kalungkutan ng mga Pilipino. Ani Kuya Wil, “Welcome kayo dito. Ito po ang inyong pangalawang tahanan.”
READ: “Habang may nalulungkot, may Wowowin” – Willie Revillame
“Itong programang ito, programa n'yo po ito. Ibibigay naming lahat ang kailangan n'yo para lumigaya. Ganyan po ang GMA Kapuso channel. Iba dito, iba dito magmahal. 'Pag yinakap ka dito, yinayakap kang nakangiti, may kasamang luha. Luha ng pagmamahal,” bigay-diin niya.
Pagtatapos ni Willie, “Iba ang tibok ng puso ng pamilya mo dito sa Kapuso channel.”