
Ibinahagi ni Willie Revillame ang kanyang naging karanasan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 upang hikayatin na rin ng kanyang mga manonood na kwalipikado na magpabakuna na.
Natanggap na raw ni Willie ang unang shot ng Sinovac ngayong araw, April 13, at ikinuwento niya ang kanyang naging karanasan sa episode ng Wowowin.
Dahil 60 years old na siya ngayon, kabilang si Kuya Wil sa mga priority para mabakunahan. Maliban sa senior citizens, inuuna ring makatanggap ng vaccination ang frontliners, health workers, at pati na mga taong may comorbidities ayon sa listahan ng DOH.
Ang mga nais daw magpabakuna ay dapat munang magparehistro sa kanilang lokal na pamahalaan. Minabuti rin ni Willie na kumuha muna ng clearance sa kanyang doktor bago magpabakuna dahil meron siyang ibang existing health conditions.
Bago rin sinimulan ang kanyang vaccination ay dumaan muna sa screening ang Wowowin host.
“Kanina ho ay nagpa-injection na ako. Nagpa-vaccine na po ako ng Sinovac vaccine. So ayan po, kanina po 'yan, alas dos. Ayan, kadarating ko lang. Humabol nga ako dito ngayon at gusto kong magpasalamat sa mga taga-DOH, sa lahat po ng mga tao doon in the presence of doctors, mga nurses.
“'Yun pala kukuhanin muna 'yung ano mo, blood pressure mo. Che-checkin ka lahat, oxygen mo, lahat bago ka nila ma-injection. Titingnan ho kung ika'y high blood o hindi. Sa awa ng Diyos kanina nasa ano ako eh, 130 over 80, batang-bata. Thank you po mga doc, siyempre.”
Pahayag ni Willie, ibinabahagi niya ito upang hikayatin ang kanyang mga manonood na magpabakuna na rin.
“Kasi proteksyon natin 'to eh. Pumayag na po tayo na magpa-inject. Ako heto ho kasi siyempre nag-iingat na rin ho kami dito, kailangan protektado. Naka-schedule na rin ho lahat ng mga staff namin.
Naka-schedule is Willie na tanggapin ang ikalawang shot ng Sinovac sa May 11.
Kilalanin ang iba pang celebrities na nagpabakuna na laban sa COVID-19 sa gallery sa ibaba:
Silipin din ang ilang tagpo ng pagseserbisyo-publiko ni Willie sa pamamagitan ng Wowowin dito:
Ang Wowowin ay araw-araw nang napapanood mula Lunes hanggang Biyernes sa TV at sa official verified social media accounts: www.facebook.com/GMAWowowin sa Facebook, www.youtube.com/Wowowin sa YouTube, at twitter.com/gmanetwork sa Twitter.