
Personal na naghatid ng tulong sa mga residenteng nasalanta ng Bagyong Rolly sa bayan ng Gigmoto sa Cantanduanes ang Wowowin host na si Willie Revillame nitong nakaraang linggo.
Ayon sa Wowowin host, ang panawagan umano ni Nanay Elizabeth Español na napanood niya sa 24 Oras ang nag-udyok sa kanyang pumunta sa Gigmoto at personal na mag-abot ng ayuda rito pati na rin sa iba pang mga nasalanta ng bagyo.
“Nu'ng napanood ko 'yon parang mahirap naman na balewalain mo 'yun, e. Kasi nananawagan na sa 'yo, tinawag na 'yung pangalan mo, tapos itong weekend na 'to wala naman akong gagawin, wala naman akong show, gumawa ako ng paraan,” lahad ni Willie nang makapanayam ng 24 Oras.
Lumapag sa Gigmoto si Willie sakay ng chopper na siya mismo ang nag-piloto. Kasama niyang dumating ang dalawa pang chopper na naglalaman ng mga gamot, kumot at jacket.
Una niyang biniyayaan si Nanay Elizabeth at binigyan ng Php 100,000. Kasunod nito ay ang limang milyong ayuda para sa lalawigan ng Catanduanes.
“Sa abot-kaya ko, dahil ako ay napaka-blessed na tao, ang Panginoong Diyos ay talagang dinadala ako sa kataasan dahil sa inyo, ang ibibigay ko dito sa Catanduanes, kung ano binigay ko sa jeepney driver, limang milyon!” inanunsiyo niya sa publiko.
Magkahalong emosyon umano ang naramdaman ni Willie sa pagpunta sa Gigmoto kung saan sinalubong siya ng napakaraming tao.
“Du'n pa lang sa paglipad mo, nakita mo na 'yung mga tahanan na wala ng bubong, 'yon na agad 'yung nararamdaman mo, e. May lungkot na, e,” aniya.
Samantala, ipinaliwanag ng alkalde ng Gigmoto na nananatiling COVID-19 free ang bayan at dinagsa ang lugar dahil marami ang naghahangad na makahingi ng tulong.
“Talagang gusto nilang makalapit kay Kuya Wil para makahingi ng tulong at higit sa lahat, ang pinakaimportante, zero case ngayon sa COVID-19 ang Gigmotom,” paliwanag ni Mayor Vicente Tayam Jr.
Dagdag pa ng gobernador ng Catanduanes na si Joseph Cua, “Iilan lang ang nakakaalam na darating si Willie pero siguro nagkalat dahil may bumabang chopper kaya nagdagsaan 'yung tao na hindi na ng na-observe ang social distancing. Hindi na napiligan ang tao.”
Kapag 'di naglo-load nang maayos ang video sa itaas, maaari itong mapanood DITO.