
Nakakaantig at tiyak kapupulutan ng aral ang episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado na pinamagatang 'Sa Piling ni Nanay.' Ang 2016 Cannes Film Festival Best Actress Jaclyn Jose ang gaganap bilang si Lorna, isang ulirang ina na tiniis na mawalay sa kanyang pamilya ng 10 taon para maghanap-buhay sa Qatar.
Si Jaclyn Jose bilang Lorna / Source: Wish Ko Lang
Sa tampok na istroya, sampung taon nagtrabaho bilang domestica helper si Lorna sa Qatar upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Tiniis niya na malayo sa kanyang mga anak at asawa, pati ang pagmamaltrato sa kanya ng kanyang banyagang amo upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
Eksena ng pagmamaltraro sa karakter ni Jaclyn Jose / Source: Wish Ko Lang
Ngunit tila nabalewala ang lahat dahil sa pag-uwi ni Lorna madidiskubre niyang ibang-iba sa kanyang pinangarap ang naging buhay ng kanyang mga anak.
Ang anak niyang babae (Crystal Paras) naging malayo ang loob kay Lorna, samantalang ang anak naman niyang lalaki (Topper Fabregas) ay nalulong sa masamang bisyo.
Sina Crystal Paras at Topper Fabregas / Source: Wish Ko Lang
Bukod pa riyan, malalaman din ni Lorna ang kawalang-hiyaang ginawa ng kanyang asawa.
Mayroon pala itong babaeng kinalolokohan at doon pala napupunta ang perang pinaghihirapan niya sa Qatar imbes na sa kanilang mga anak.
Siniraan din siya ng kanyang asawa sa kanilang mga anak kaya nalayo ang loob ng mga ito sa kanya.
Sina Mia Pangyarihan at Vic Romano / Source: Wish Ko Lang
Ayon sa StarStruck Season 7 alumna na si Crystal Paras, tingin niya ay maraming pamilya ang makaka-relate sa kuwentong kanilang isinadula sa bagong Wish Ko Lang.
Ani Crystal, “Dapat po nilang abangan ang nakakaantig naming episode. Grabe po yung kuwento and excited na po akong mapanood ng mga Kapuso, because I'm sure so many people will relate -- lalo na ang mga may mahal sa buhay na nasa abroad, nagtatrabaho para maitaguyod ang kanilang mga pamilya.”
Masaya rin daw si Crystal na makatrabaho sina Jaclyn Jose at Topper Fabregas sa 'Sa Piling ni Nanay' episode, kahit na aminado siyang na-pressure siyang makipagsabayan sa kanila sap ag-arte.
“Topper is renowned in the theater industry and Ms. Jaclyn Jose is one of our country's best, kaya halos manghina ang tuhod ko noong briefing pa lang bago kami magsimulang mag-shoot ng eksena.
“Mabigat ang material kaya grabe yung pressure na kailangan kong magawa nang maayos ang trabaho ko dahil alam kong they'll both follow through. Hindi pwedeng hindi ako tumalon kumbaga. (laughs)”
Nagpapasalamat din daw siya na madalas siyang maimbitahan ng bagong Wish Ko Lang team upang maging parte ng kanilang mga episodes.
“Thankful ako dahil pinapabalik at pinapabalik po ako sa Wish Ko Lang. Napakahusay at napakabuti ng mga tao sa prod and it's always such a breeze to work with them.”
Alamin kung paano bibigyang ng magandang bagong simula ng "Fairy Godmother ng Bayan" na si Vicky Morales ang pamilyang tila nasira dahil sa isang dekadang pagkakalayo mula sa isa't isa.
Abangan ang 'Sa Piling ni Nanay' episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
RELATED:
Wish Ko Lang: Kasambahay, itinali sa basement at ginawan ng kahalayan ng amo!