
Matagumpay ang naging pagtatapos ng ikatlong kuwento ng Stories from the Heart ang Love On Air na pinagbidahan ng real-life Kapuso couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos.
Sa ikaapat na kuwento ng afternoon drama anthology, isang celebrity couple ulit ang magpapakilig sa inyong mga hapon.
Sa pambihirang pagkakataon, magtatambal ang mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa isang Kapuso serye at ito ay ang Stories from the Heart: The End Of Us. Gaganap sina Carmina at Zoren bilang sina Maggie Corpuz at Jeffrey Guevarra, ang mag-asawang sinubok ang relasyon dahil sa marami nilang pagkakaiba at pagkakamali.
Sa ginanap na story conference para sa nasabing series, naging emosyonal ang dalawa nang mapanood ang full trailer ng The End Of Us na kanilang pinaghirapan buuin.
"Actually emotional ako, kasi as an actor, you wait for this kind of story, this kind of director, this kind of writers, this kind of creatives, this kind of producers, this kind of EP and bihira 'yun mangyari sa isang show na hinihintay mong lahat ng magagaling ay magsama-sama sa isang production," ani Zoren.
Dagdag naman ni Carmina, "First time kong makita si Zoren na very emotional pagdating sa show.. actually pati rin ako."
Makakasama ng dalawa sa The End Of Us ang beauty queen na si Ariella Arida, Johnny Revilla, Karel Marquez at si Andrew Gan.
Panoorin ang full trailer ng Stories from the Heart: The End Of Us, DITO:
Tutukan ang world premiere ng Stories from the Heart: The End Of Us, mamayang 3:25 ng hapon pagkatapos ng Las Hermanas sa GMA Afternoon Prime.