
Photo by: Michael Paunlagui
Ang kasiyahang hatid ng DonEkla duo sa Wowowin, dadalhin nina Donita Nose at Super Tekla sa Dear Uge ngayong Linggo, March 26.
Gaganap sina Donita Nose at Super Tekla bilang ang magkapitbahay na sina Victoria at Monique. Sa simula palang ay hindi na sila magkasundo. Ang alagang aso kasi ni Victoria, dumumi sa tapat ng kalilipat-bahay palang na si Monique.
Ang kanilang unang 'di-pagkakaunawaan ay nadagdagan pa ng iba’t ibang pagtatalo. Pero, may pareho silang problema na maglalapit sa kanila sa isa’t isa. Sina Victoria at Monique ay parehong pinagkakamalang bakla kahit babaeng-babae naman talaga sila.
Kahit anong pilit nilang meron silang matres, bading pa rin ang tingin ng iba sa kanila dahil sa kanilang itsura. Magdadamayan ang dalawa lalo’t pati love life ay prinoproblema na nila ngayon.
Kaabang-abang ang kahahantungan ng kanilang kuwentuwaan! Tutok na ngayong Linggo, March 26 sa nag-iisa at nangungunang comedy anthology sa bansa, ang Dear Uge!