
Lubos na nasaktan si Yasmien Kurdi sa dinanas ng panganay niyang anak na si Ayesha na bullying sa dati nitong eskwelahan. Sa katunayan, kinailangan sumailalim ng kaniyang anak sa six months na therapy dahil sa trauma na naranasan nito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, August 12, kinumusta ni King of Talk Boy Abunda ang lagay ni Ayesha, at tinanong kung naresolba ba ang bullying na dinanas nito.
“Yes, yes. Nagulat nga ako, e, kasi we talked about it before, you asked me about it, and she experienced a lot of traumatic stuff in her life. [Ang] dami-dami niyang pinagdaanan. Naaawa lang ako sa anak ko, sobra. And as a mom, nandito ako, siyempre, to protect my kid,” sabi ng aktres.
Matatandaan na taong 2023 nang ibahagi ni Yasmien na nakaranas ng bullying at cyber bullying ang kaniyang anak. Sa panayam niya sa naturang Afternoon Prime talk show, nilinaw ni Yasmien na hindi tungkol sa paghahanda nila ng Christmas party ang naganap na bullying, kundi dahil gusto umano nilang palitan ang personality ng anak.
“They were forcing her to change her personality. They ganged up on her, hinarangan siya sa pintuan ng 79 students to change her personality daw. And then, to the point that she has to say 10 negative points about herself,” pagbabahagi ni Yasmien.
Saad pa ng aktres ay very assertive ang anak niya at ginagawa nito ang lahat ng makakaya niya, kaya masakit para sa kaniya na makita ang dinanas ni Ayesha. Ngunit ngayon, masasabi niyang masaya na ang anak dahil na rin sa tulong ng therapy.
“Nag-therapy siya for six months na tuloy-tuloy and it's been very helpful for her kasi dahil sa mga panic attacks and anxiety attacks niya,” sabi ni Yasmien.
BALIKAN ANG KAMPANYA NG ILANG KAPUSO STARS LABAN SA CYBERBULLYING SA GALLERY NA ITO:
Para rin matulungan si Ayesha na maalis siya sa toxic environment ng eskwelahan, sila ng asawa niyang si Rey Soldevilla, Jr. na mag-homeschool muna ito. Kasabay ng homeschool ay binigyan din ng mag-asawa ang anak nila ng iba't ibang activities.
Dahil gusto umano ni Ayesha mag-volleyball ay hinayaan nila ito, at in-enroll sa volleyball, at sa hosting, na isa pang hilig nito.
“I'm really happy for Ayesha, though nandu'n pa rin 'yung episodes na nati-trigger pa rin siya and all. But you know, 'pag may ganu'n, we go back again sa therapy. We're healing, slowly,” sabi ni Yasmien.
Sa huli ay nag-iwan si Yasmien ng mensahe sa kapwa niya mga magulang na may nabu-bully na mga anak: “Makikita mo 'yung signs ng bullying. Tingnan mo rin 'yung anak mo, meron bang nagbago? Naging nonchalant ba siya? Gastritis? Sleep disturbances or lack of appetite, those are signs of bullying. Mga red flags 'yun.”
Iminungkahi rin ng aktres na magkaroon ng open communication ang mga magulang sa kanilang anak, at laging paalalahanan ang mga bata na wala silang dapat ikahiya sa pag-open up sa kanilang mga magulang.
“'Yung mga kids, ikuwento nila lahat [kina] mommy and daddy. 'Wag na silang matakot, 'wag na silang mahiya. Walang ikakahiya dito. You don't have to be ashamed of anything,” sabi ni Yasmien.
Panoorin ang panayam kay Yasmien sa video sa itaas.