
Masaya ang aktres na si Yassi Pressman sa role na gagampanan niya sa full action series na Black Rider.
Gaganap siya bilang Vanessa o Bane sa serye. Ayon kay Yassi, first time raw niyang gaganap sa isang karakter na marami ring action scenes.
"Si Vanessa po kasi, sobra po akong na-excite kasi matagal ko na rin pong gusto na magkaroon ng action series din po na ako rin po lumalaban. Ito pong si Vanessa, napaka palaban niya po. Gusto ko 'yung pagkakabuo nila na galing po siya sa isang napakahirap na mga pinagdadaanan, from a very dark past po, na kinailangan niya pong takasan," sabi ni Yassi sa media conference ng Black Rider.
Bukod sa action scenes, marami raw iba't ibang mga bagay na dapat abangan sa kanyang karakter.
"Hindi po tumigil doon 'yung mga pagsubok na dumating sa kanya. Siyempre, lahat naman po tayo dumadaan sa mga pagsubok sa buhay, siya rin po. At dahil po doon, kinailangan niya pong maging snatcher," lahad ng aktres.
Lalo pang natuwa si Yassi sa kanyang karakter dahil kakaiba ito sa mga nagawa na niya noon.
"Isa po 'yung role na hindi ko pa po nagagawa, very different po from the usual. Usually po sa mga pelikula ngayon, mas sweetheart o sunshine. Ito pong si Vanessa kapag napikon po, nananapak po siya--'yung ganoong klaseng angas po ng isang babae," kuwento ni Yassi.
Umaasa rin daw siya na maraming taong makaka-relate sa kanyang karakter at sa mga pagdadaanan nito.
"Pero 'yung mga ginagawa niya po, kahit na minsan nagiging mali dahil po sa pagsa-snatch, ginagawa lang po niya 'yun dahil sa pagmamahal niya po para sa pamilya niya. Laging mabuti po 'yung laman ng puso niya kahit minsan nagiging mali. Pero sana maging tama, sa tamang landas," paliwanag niya.
Photo by: Gerlyn Mae Mariano
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Pagbibidahan nito ni primetime action hero Ruru Madrid, kasama sina Yassi Pressman, Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Jon Lucas, at marami pang iba.
SILIPIN ANG STAR-STUDDED MEDIA CONFERENCE NG BLACK RIDER DITO:
Abangan ang world premiere ng full action series na Black Rider, November 6, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad. Mapapanood ang simulcast nito sa GMA, GTV at maging online sa Kapuso Stream.