
Sa gitna ng patuloy na kasamaan at pagtatangka ni Serina (Kazel Kinouchi) na agawin ang Gran Vista Resort, nananatiling matatag si Angel (Caprice Cayetano sa kaniyang layuning ipagtanggol at pangalagaan ang pinapangarap na negosyo ng kaniyang pamilya.
Sa tulong ng kaniyang mga kaibigan, determinadong protektahan at palaguin ni Angel ang kanilang resort. Malaking tulong ang naibigay ni Miguel, na gamit ang kaniyang disguise bilang ang singing busking bear na si Captain Serenade, matagumpay na nakahatak ng mas marami pang bisita at customers matapos siyang mag-perform mismo sa loob ng Gran Vista.
Sa kabilang banda, hindi rin nagpatinag si Adie. Matapos niyang masaksihan ang kalupitan ni Serina kay Angel noong dumalaw ang huli sa Montaverde Resort, pinili niyang kumampi at ipagtanggol ang kaibigan.
Bilang ganti sa masamang ginawa ni Serina, naglunsad si Adie ng isang matapang na hakbang—ang pag-hack sa opisyal na website ng mga Montaverde.
Ngayong Lunes, July 13, nakakagulat na tutungo si Mama Bebe (Katya Santos) sa mansyon ng mga Montaverde upang harapin ang kaniyang kapatid na si Serina (Kazel Kinouchi). Sa gitna ng tensyon, nakakabigla na sasang-ayunan ni Mama Bebe ang matagal nang hinihiling ni Serina: ang pagbenta sa Gran Vista Resort.
Hindi rin magiging mapayapa ang pagbisita dahil sa mainit na engkwentro sa pagitan nina Mama Bebe at Lady Mara (Wilma Doesnt). Dito, ibubunyag ni Mama Bebe ang isang malaking sikreto na yayanig sa pamilya Montaverde—ang katotohanang buhay pa si Enrico Montaverde.
Samantala, dahil sa takot na mabawasan ang kaniyang parte sa yaman, maglulunsad si Serina ng sarili niyang plano. Layunin niyang pigilan ang paghahanap kay Celestine, ang nawawalang anak ni Enrico, matapos malaman ang posibilidad na buhay pa ang tunay na tagapagmana ng mga Montaverde.
Ano kaya ang tunay na motibo ni Mama Bebe sa biglaang pagsang-ayon na ibenta ang resort kay Serina? Mapigilan kaya ni Serina ang paghahanap kay Celestine? Makilala na kaya sino nga ba ang nawawalang tagapagmana ng mga Montaverde?
Abangan ang mga kapanapanabik na mga tagpong ito sa You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng 'You're My Favorite Song,' kilalanin!