
Punong-puno ng “next-gen kilig” ang episode noong Miyerkules, July 22, dahil sa sweet moment ng tambalan nina Angel (Caprice Cayetano) at Miguel (Heath Jornales)—o mas kilala bilang ang tambalang 'AnGuel.'
Sa naturang episode, hinirang ang dalawa bilang 'King and Queen' ng Brighton Bay Ball. Bilang pagsunod sa matagal na tradisyon ng Brighton Bay Academy, ang lalaki at babaeng kokoronahan ay kailangang ikasal at magpalitan ng kanilang matamis na 'I do' sa Marriage Booth ng pagdiriwang.
Dahil sina Angel at Miguel ang nakoronahan sa gabing iyon, agad silang nagtungo rito kung saan marami sa kanilang mga kapwa mag-aaral ang sabik na nakaabang. Ngunit nadama ni Miguel ang kaba ni Angel. Agad niya itong tinanong at sinabihang kung hindi ito komportable ay hindi na nila kailangang ituloy ang kasal para sa kaniyang kapanatagan.
Dahil dito, napaamin si Angel sa tunay na dahilan ng kaniyang pagkabagabag. Inamin niya ang pagbabanta ng ama ni Miguel na si Neil (Paolo Paraiso) na layuan ang binata, at ayaw lamang niyang galitin muli ito.
Agad namang pinalakas ni Miguel ang loob ng kaniyang reyna. Dito na rin napaamin ang binata sa kaniyang tunay na nararamdaman, sinabi niyang mas mahalaga si Angel sa kaniya kaysa sa mga kagustuhan ng kaniyang mahigpit na ama.
Naglakas-loob din si Miguel na ipagtapat kay Angel na hindi na lang basta kaibigan ang tingin niya rito kundi mas higit pa.
Pinaalalahanan at tiniyak din ni Miguel kay Angel na kakausapin niya ang kaniyang ama tungkol sa nangyaring pagsugod nito sa pamilya Dimaculangan bago ang ganap sa Brighton Bay Ball.
Kasunod nito, nagtungo na sila sa booth kung saan gaganapin ang kasalan. Umalingawngaw sa buong paligid ang matatamis na “oo” mula kina Angel at Miguel nang tanungin sila ng organizer na siyang nanguna sa seremonya.
Bakas naman sa mukha ni Calix (Clifford) ang matinding selos at inis habang nasasaksihan ang kasalan nina Angel at Miguel.
Naudlot saglit ang kasalan nang dumating si Zion (Marco Masa) at Adie (Princess Aliyah) upang ibalita kay Angel ang nangyari kay Mama Bebe (Katya Santos); ipinadampot at ipinakulong ito ni Serina (Kazel Kinouchi) dahil sa maling akusasyon na itinago raw nito ang asawang si Enrico (James Blanco).
Bagama't naudlot ang seremonya sa naturang episode, hindi pa rin maalis ang kilig at saya ng fans ng tambalang 'AnGuel' matapos ang matamis na moment ng dalawa sa marriage booth ng Brighton Bay Ball.
Narito ang ilang reaksyon at komento mula sa mga solid viewers at fans:
Sa pagpapatuloy ng kuwento, agad na nagtungo si Angel sa presinto upang puntahan ang nakakulong na si Mama Bebe. Ngunit bigla ring dumating si Enrico, na ngayo'y nagbalik na ang alaala, upang tulungan silang mapalaya si Mama Bebe mula sa maling pambibintang ni Serina.
Ngayong Huwebes, July 23, sa pagbabalik ng alaala ni Enrico, mapagtanto na kaya niya na ang kasa-kasama niya sa Gran Vista Resort na si Angel ang nawawalang prinsesa ng mga Montaverde, ang kaniyang anak na si Celestine?
Matapos ang puno ng kilig na kasalan sa marriage booth nina Angel at Miguel, pati na rin ang pagtatapat ng binata sa dalaga, ano pa kayang mga tagpo sa pagitan nilang dalawa ang maghahatid ng kilig sa mga manonood?
Patuloy na subaybayan ang You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng 'You're My Favorite Song,' kilalanin!