
Pinag-uusapan at pinagkakaguluhan online ang inaabangang teen romance-drama sa GMA Afternoon Prime na You're My Favorite Song sa pilot episode nito ngayong Lunes, June 22.
Hindi pa man umeere sa telebisyon ang naturang episode, marami nang manonood at mga fans ng cast ang nag-aabang at gumagawa ng ingay sa social media bilang pagsuporta at pagpapakita ng kanilang excitement sa pagpapalabas ng serye.
Dahil dito, naging trending topics sa social media platform na X ang official hashtag ng You're My Favorite Song pilot episode na #YMFSPilotWeek at 'ANGELs STORY BEGINS.'
Sa unang episode ng serye, ipinakilala na ang matalino at confident na si Angel Dimaculangan (Caprice Cayetano). Siya ay isang batang may mahigpit na pagmamahal sa kaniyang pamilya. Isa siyang mabuting apo at anak sa kaniyang Mama Bebe (Katya Santos) at sa kaniyang pinakamamahal na Lolo Xavi (Boboy Garrovillo).
Isang pagsubok naman ang dumating sa kanilang buhay nang ma-diagnose si Lolo Xavi ng stage four pancreatic cancer na siya naman ikinalungkot ni Angel. Sa kabila man nito, naging matatag siya at naging pursigidong pasiyahin ang kaniyang pinakamamahal na lolo.
Gumawa siya ng isang bucket-list na puno ng mga pangarap niyang tutuparin para sa mapasaya ang may sakit na si Lolo Xavi. Una na rito ang pangarap nitong makapagpatayo ng isang resort. Pagpupursigihan ni Angel na tuparin ang pangako niyang ito para sa kaniyang minamahal na lolo.
Ipinakilala na rin sa episode ang lead vocalist ng bandang Siklab na si Miguel (Heath Jornales) na may matinding pagmamahal sa musika ngunit tumatakas sa sa ingay ng kasikatan sa pamamagitan ng pagba-busking na suot ang isang mascot costume na teddy bear.
Nakilala na rin ang pinakamatalinong estudyante ng buong Brighton Bay Academy na si Calix (Clifford) na nakatapat ni Angel dahil sa pagtatanggol nito sa kaibigan si Zion (Marco Masa).
Patuloy na subaybayan ang You're My Favorite Song weekdays sa oras na 4:00 p.m. pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime.
Available din ang episodes, highlights, at iba pang exclusive content ng Kamao sa GMANetwork.com at sa GMA Play, ang official video streaming app ng GMA Network.
Related Gallery: Cast ng You're My Favorite Song, kilalanin!