
Karangalan daw para kay Kapuso actress Ysabel Ortega na maging bahagi ng telefantasya na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Gumaganap dito si Ysabel bilang Armea, ang hara or reyna ng Sapiro at anak nina Sang'gre Alena at Rama Ybrahim.
Photo: gmaencantadia (Instagram)
"Nasusubaybayan ko na 'yung Encantadia so just to be a part of this series is already such an honor. Ngayon na may special role ako dito, it just makes me so happy," pahayag ni Ysabel.
Malaking hamon daw para sa aktres na alalahanin at maging conscious sa mga detalye ng espesyal na world-building ng serye.
"Sobrang complex pala ng mundo ng [Encantadia]. It's literally an alternate universe to the point na first day ko, may mga times na I still forget 'yung mga nuances," bahagi niya.
Dahil nga rito, nagkaroon pa siya ng hindi malilimutang blooper sa unang araw ng taping niya.
"May isa 'kong eksena, nasabi ko, 'Tulungan mo 'ko, please!' Siyempre, nag-cut kami. Sabi nila, 'Ysabel, walang please sa Encantadia ha," paggunita niya.
Ibinida rin ni Ysabel ang mga paghahandang ginagawa niya at ng buong cast para sa bawat eksena nila.
"More on refresher na lang sa swordfighting kasi sword po 'yung weapon ko dito sa Sang'gre. Of course, training din for the scenes that we have. Nagte-training talaga kami a day before shooting para talagang ma-master na 'yung mga fight scenes na gagawin namin for the show," kuwento ng aktres.
Panoorin ang buong panayam ni Aubrey Carampel kay Ysabel Ortega sa 24 Oras sa video:
Video courtesy of GMA Integrated News
Abangan ang kapalaran ng karakter ni Ysabel na si Hara Armea sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:40 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network.
Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
KILALANIN ANG CAST NG 'ENCANTADIA CHRONICLES: SANG'GRE' SA GALLERY NA ITO: