
Isa sa mga naging simbolo ng lakas at tapang ng kababaihan ang mga minamahal na Sang'gre sa mundo ng Encantadia.
Ang kanilang tatag at dedikasyon sa tungkulin ay nagsilbing inspirasyon sa marami, lalo na sa Encantadiks.
Hindi lamang ang netizens, kundi pati na rin ang mismong cast ay labis na hinahangaan at minamahal ang mga diwata sa superserye.
Isa na rito ang Kapuso star na si Ysabel Ortega, na ginagampanan ang palaban na Hara ng Sapiro na si Armea.
Sa isang post online, naghandog siya ng isang maantig at makapangyarihang mensahe para sa kanyang karakter ngayong Buwan ng Kababaihan.
"Para sa Hara na nagturo sa akin kung paano maging matapang, mapagmahal, at matatag sa bawat hamon na maaaring harapin sa buhay. Malaki ang pasasalamat ko sa'yo, Armea. Sa bawat laban na ipinakita mo, mas lalo mong pinaalala sa akin ang lakas na taglay ng bawat babae," aniya.
Labis din ang pasasalamat ni Ysabel sa lahat ng tumatangkilik sa kanyang karakter.
" Maraming salamat din sa lahat ng patuloy na sumusubaybay at nagmamahal sa kwento ng isang Hara, isang babaeng ipinaglalaban ang karapatan at lakas ng kababaihan sa isang kahariang matagal na nasanay sa pamumuno ng mga Hari at ngayon ay unti-unting kinikilala ang tunay na kapangyarihan ng isang Reyna. Happy International Women's Day "
Kasama sa kanyang post ang ilang larawan niya bilang Armea, mula sa mga palaban na eksena hanggang sa mga nakakatawang behind-the-scenes sa set.
Ngayong linggo, patuloy na ipapakita ni Armea ang kanyang tapang at kapangyarihan bilang isang Hara sa gitna ng paglutas ng pagtataksil sa kanyang kaharian.
Subaybayan ang kanyang kuwento sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:05 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Samantala, kiligin sa mga eksena nina Daron at Armea sa gallery na ito: