
Taong 2019 nang mag-audition si Ysabel Ortega para sa Voltes V: Legacy kung saan siya lumalabas bilang Jamie Robinson, ang piloto ng Volt Lander o ang mga paa ng Voltes V robot.
Pero lingid sa kaalaman ng marami, hindi niya intensyong mag-audition para sa role na Jamie Robinson, ayon sa panayam ng GMANetwork.com sa aktres para sa Kapuso Profiles na inilabas noong Hunyo.
“Nag-audition ako for Jamie Robinson pero I remember kasi the day of the audition, nagpa-audition din sila for Zandra so meron silang binigay na script sa 'min for Jamie and for the Zandra roles," pagbabalik-tanaw ni Ysabel.
"Parang wala lang, never ko kasi in-expect na makukuha ko 'yung Jamie Robinson. Parang binasa ko lang and everything pero 'di s'ya 'yung pinagtuunan ng panahon para i-internalize and things like that."
Ayon kay Ysabel, tiwala siya na hindi niya makukuha si Jamie Robinson kaya nag-focus siya sa mga linya ni Zandra, na nakuha ni Liezel Lopez, noong audition.
Ika niya, "Mas inaral ko 'yung Zandra kasi sabi ko, 'I'm not gonna get Jamie,' 'di naman nila 'ko magugustuhan for Jamie. Tapos 'yun din no'ng nasa audition na rin ako, sabi nila, 'Can you read for Jamie?' Sabi ko, 'Shoot, okey kaya 'to. Game, push.' Tapos 'yun, tuluy-tuloy na.”
Hindi naman inakala ni Ysabel na sa kanya ibibigay ang papel na Jamie Robinson, ang isa sa mga bida ng Voltes V: Legacy, kaya naging emosyonal siya nang ibalita ito sa kanya.
“Umiyak talaga ako kasi the reason why I thought na hindi ako mag-o-audition as Jamie because I never felt that I would get it.
"This was too big of a role, lead role e. Siyempre, 'di naman ako nagle-lead role so never ko inisip na iko-consider nila 'ko.
"Parang sobrang na-touch ako sa fact na 'yon kaya talagang humagulgol ako. And even my Mom was there also, umiyak din siya with me.”
Kung hindi raw si Jamie ang role niya sa Voltes V: Legacy, pipiliin pa rin daw niyang gampanan ang role ni Liezel bilang Boazanian kung sakali, ayon kay Ysabel sa online mediacon ng Voltes V: Legacy ngayong Miyerkules, August 30, para sa nalalapit na pagtatapos nito.
"Super challenging din kasi ng role ni Zandra. Feeling ko I would choose Liezel's role kasi it's very interesting not just as Zandra but as the Boazanian in general na kailangan taga-ibang planeta ka tapos pati 'yung language very deep."
Mapapanood ang huling walong episodes ng Voltes V: Legacy weeknights, 8:00 p.m. sa GMA, GTV, I Heart Movies, at Pinoy Hits.
Maaari rin itong mapanood online kasabay ng pag-ere sa TV via Kapuso Stream.
Magiging available naman ang full episodes at episodic highlights ng Voltes V: Legacy sa GMANetwork.com at sa iba pang GMA owned and operated online platforms.
Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang gmapinoytv.com/subscribe para malaman kung paano mapapanood ang programa overseas.