
Produkto si Zack Tabudlo ng 2014 season ng singing competition na The Voice Kids, kung saan kasabayan niya sina Darren Espanto at JK Labajo, na parehong namamayagpag ang showbiz career.
Sa guest appearance ni Zack sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, December 17, binalikan niya ang kanilang samahan ng kanyang kapwa The Voice Kids contestants.
Wika ni Zack, "I'm really proud of everyone po, honestly, especially in that first season. Ang dami pong nagsasabi na ang dami pong big stars and big talents po talaga that came from that season."
Ayon kay Zack, malapit na kaibigan niya hanggang ngayon si JK.
Sabi pa niya, "JK is a very good friend of mine po. Honestly, it's been a few years of us going back to each other kasi may mga few times na 'di kami nagkakasundo dati no'ng mga bata pa kami. And in the middle of everything, nagkagulo din until nagkaroon po kami ng project together and that sparked everything else."
Kasalukuyang isa sa hosts ng noontime show na It's Showtime si Darren, at umaarte naman sa telebisyon at pelikula si JK habang ipinagpapatuloy ang kanilang singing career.
Gusto rin ba ni Zack na pasukin ang pag-arte gaya ng kanyang batchmates sa The Voice Kids?
Sagot niya, "It's sort of a gray area. Parang I'm open naman po in a way but I'm always leaning into music po talaga ever since."
Katuwaang tanong ni King of Talk Boy Abunda, papayagan ba si Zack ng kanyang girlfriend na si Abigail Jean Alfonso na magpa-sexy onscreen?
Tugon ng singer-songwriter, "Feeling ko naman po, she's very supportive."
Biro pa niyang dugtong, "Ayan po, tumatawa pa po. Tinataboy na nga ako."
Matapos maging contestant, naging coach at mentor si Zack sa 2025 season ng The Voice Kids.
Ang pambato ng kanyang team na Project Z na si Sofia Mallares ang itinanghal na grand winner ng kompetisyon.
KILALANIN ANG BAGONG 'THE VOICE KIDS' CHAMP SA GALLERY NA ITO.