
Naging usap-usapan ang engagement nina Zeinab Harake at Bobby Ray Parks Jr. Bukod kasi sa pag-propose ng naturang basketball star, isang buwan matapos nito, ay nag-propose din ang social media star sa kaniyang fiancé.
Sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, Jun 17, ipinaliwanag ni Zeinab kung bakit nga ba siya nag-propose kay Ray pagkatapos ng kanilang engagement.
“Kasi 'di ba binigyan niya ako ng singsing? So kapag nasa Pilipinas ako, ako ang may singsing tapos siya, sa Japan, wala siyang singsing. So gumawa na lang ako, sabi ko, 'Bibigyan kita ng singsing, magpopropose ako,'” pag-alala ni Zeinab.
Pinili ni Zeinab na mag-propose sa Nagoya, Japan dahil dito umano sila nag-date kung saan nakaramdam sila ng deep connection sa isa't isa.
“Sabi ko, 'Perfect 'to sa Nagoya.' and he's transferring to Osaka so before siya mag-transfer sa Osaka, talagang pinili ko na 'Okay, luluhuran din kita,'” saad ni Zeinab.
TINGNAN KUNG PAPAANO PINAKILIG NINA ZEINAB AT RAY ANG NETIZENS SA KANILANG WEDDING VOWS SA GALLERY NA ITO:
Wika pa ng social media star, for fun lang at gusto lang nila magpakuha ng litrato na ini-upload niya sa kaniyang Instagram page. Dagdag pa ni Zeinab, gusto niyang may suot din si Ray na singsing, para alam ng tao na engaged na ito sa kaniya.
Reaksyon naman ni Ray dito, “I was actually surprised, pero natuwa rin naman ako.”
Tinanong rin sila ni King of Talk Boy Abunda kung papaano nalaman na nahanap na nila ang the right one. Ayon kay Ray, nag-speak out sa kaniya ang pagiging genuine ni Zeinab, at ang pagmamahal ng social media star sa kaniyang pamilya.
“As in sobrang deep niya, and 'yung love niya sa family was there and she stood out amongst the crowd. Napansin ko talaga hindi lang 'yung ganda niya, siyempre nabighani ako sa ganda niya,” pagpapatuloy ni Ray.
Ang pagiging God-fearing naman ni Ray ang nakaantig ng puso ni Zeinab. Dagdag pa niya, nabago ng kaniyang asawa na ngayon ang point of view niya sa buhay.
“Hindi 'yung pagbabagong makakasama sa akin, pagbabagong makakatulong sa amin ng mga bata and at the same time, para sa'min sa future,” sabi ni Zeinab.
Naging malaking tulong din ang opinyon ng anak ni Zeinab na si Lucas na tinuturing na safe space si Ray. Sabi pa ng content creator, “Sobrang grabe, mahal na mahal siya ng mga bata. Parang mas mahal siya ng mga bata ngayon kesa sa'kin.”