
Sa pasilip sa ilang mga eksena ng upcoming musical drama series na Born to Shine, ilang orihinal na kanta ang narinig ng mga manonood.
Sa panayam ni Aubrey Carampel kay Zephanie para sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng singer-actress na marami ang makaka-relate sa kwento at mga kanta.
Pag-amin pa ni Zephanie, siya mismo ay nagkaroon ng espesyal na koneksyon sa kaniyang karakter na si Jeni.
"I can relate as Zephanie du'n sa mga songs po na hindi ko pa ma-share. But may isang song dito sa show na parang 'Kanta ko rin pala 'to in real life,'" sabi ni Zephanie.
Nagbigay rin si Zephanie ng kaunting pasilip tungkol sa karakter niya. Sabi ng aktres, simple lang naman si Jeni na ang tanging pangarap ay makapasok sa mundo ng P-Pop.
"Pero marami pa po siyang pagdadaanan," sabi ng aktres.
Ito rin ang muling pagtatambal nina Zephanie at dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na si Michael Sager. Una silang nagkapareha sa Philippine drama anthology series na Sparkle U.
RELATED: KILALANIN ANG CAST NG 'BORN TO SHINE'
Sa hiwalay na panayam kay Michael, inamin ng aktor na natutuwa siyang makasama muli ang dating ka-loveteam sa isang bagong serye.
"Natutuwa ako kay Zeph na kahit hindi kami nag-work for a couple of years, nakita namin 'yung progress sa isa't isa and nu'ng nagbalik-tambalan kami sa isang eksena, nakakatuwa lang na we're back and doing a scene together," sabi ni Michael.
Dagdag naman ni Zephanie, "And now na nag-grow kami, it's so nice na finally, magka-work ulit kami. Parang discovering po ulit 'yung paano 'yung dynamics namin for the show."
Panoorin ang panayam kay Zephanie at Michael dito: