
Puno ang recent episodes ng Born to Shine ng ilang mga napaka-intense na eksena. Ang bida nga nitong si Zephanie, na gumaganap bilang si Jeni, ay may ilang pisikalan na eksena sa serye.
Inamin ng aktres sa naganap na event ng Cornerstone Entertainment Inc. nitong Linggo, July 26, na napaka-challenging ng ilang mga eksena niya sa GMA Afternoon Prime series.
“Actually, walang specific pero pagdating sa mga scenes na galit, 'yung galit na frustrated, kung napanood n'yo 'yung unang scenes—mostly nu'ng mga start ng Born to Shine, na nag-aaway kami ni Nanay Minchie—'yung mga ganu'ng scenes, alam ni direk [Rod Marmol] na nag-struggle ako magalit or i-express 'yung ganu'ng iyak, na from anger,” sabi ni Zephanie.
Ang binabanggit niyang si Nanay Minchie ay ang karakter na ginagampanan ni Manilyn Reynes.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA TRAVEL PHOTOS NI ZEPHANIE SA GALLERY NA ITO:
Ngayon, grateful si Zephanie na unti-unti na niyang natututunan kung papaano gawin iyon. Nagpapasalamat din ang aktres sa patience ng production team, kabilang na ang direktor nilan, na present din sa naturang event.
“I'm just so happy na sobra 'yung grace and 'yung patience ng prod na when we need to internalize more or we need to talk to direk na 'Direk, tulungan mo kami,' as in nagu-grow din kaming lahat sa show na 'yun,” sabi ni Zephanie.
Pag-amin ni Zephanie, in real life, hindi naman siya ganoon magalit katulad ng karakter niyang si Jeni.
“Tahimik lang talaga ako or hindi na lang para wala nang masabi. So sa Born to Shine, du'n ko na-express 'yung ganu'ng emotion.”
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.