
Kahit ang dance expert na si Zeus Collins ay na-challenge sa matitinding pagsubok sa Stars on the Floor bilang isa sa mga digital dance stars.
Sa panayam nito sa Fast Talk With Boy Abunda noong Biyernes, July 25, inamin ni Zeus na nahirapan ito sa iba't ibang genre na kailangan nilang aralin tuwing training sa dance show.
"Tito Boy, grabe po talaga 'yung training namin dito as in, ako sobra akong nacha-challenge kasi ako akala ko ang tagal ko nang sumasayaw simula pagkabata, mayroon pa pala akong hindi talaga kayang gawin," sabi ng dancer.
Isang malaking challenge daw sa kaniya ang mga genre na katulad ng paso doble, ballroom, at cha-cha na hindi niya pa kailanman nagagawa. Ngunit, malaki ang pasasalamat nito sa naturang programa dahil natutunan niya lahat ito doon.
"Doon magagawa namin, lahat kami. Sobrang nahihirapan na challenge sa amin 'yun pero ang maganda doon, natututo po kami at masaya kami na nagagawa namin siya nang maayos kahit papaano, so talagang nakaka-excite po talaga yung Stars on the Floor," paliwanag nito.
Nagkaroon din siya ng fun moment kasama si Tito Boy matapos ituro ang sayaw ng Stars on the Floor kasama si Nikko Natividad.
Sa ikalawang linggo ng Stars on the Floor, itinanghal si Zeus at kaniyang partner na si Rodjun Cruz bilang second top dance star duo.
Patuloy na panoorin si Zeus sa Stars on the Floor tuwing Sabado, 7:15 p.m. sa GMA.
SAMANTALA, TINGNAN ANG MAANGAS NA PORMA NI ZEUS COLLINS SA GALLERY NA ITO