
Matagal man nawala sa dance floor pero nagbabalik na muli si Zeus Collins para magpakitang gilas ng kaniyang dance moves sa Stars on the Floor.
Sa isang online exclusive, ibinahagi ni Zeus ang halo halo niyang naramdaman noong unang rehearsal dahil na-miss niya daw sumayaw sa TV.
"Na-miss kong sumayaw sa TV ulit at siyempre first time ko sa GMA, ayun sumayaw at may makaka-partner ako si Ms. Glaiza De Castro, so ang dami kong iniisip," ikinuwento ni Zeus.
Bilang siya ay nagbabalik muling sumayaw sa stage, excited daw ito at kinakabahan kung ano ang mga susunod na challenges na haharapin niya.
Dagdag ng dancer, "Pero gayunpaman, nakaraos naman kami sa rehearsal namin. Nagawa naman namin nang tama at naging komportable naman agad ako sa mga naging kasama ko dahil sobrang mababait din sila."
Inamin din nito na nadisukbre niya sa unang rehearsal na mabilis siya mapagod dahil matagal siyang namahinga sa pagsasayaw lalo na sa stage at sa kanilang pangmalakasang hatawan sa practice.
Sa kabila ng kaniyang kaba at pagod, nananatili pa din ang excitement ni Zeus sa pagsayaw.
"Na-e-excite ako ipakita ulit ang talento ko pagdating sa sayawan dahil talagang bata pa lang ako, ito na talaga 'yung ginagawa ko. Wala akong ibang alam na trabaho kundi ang pagsasayaw lang at ngayon mapapakita ko na sa Stars on the Floor," sabi ni Zeus.
Unang nakilala si Zeus Collins dahil sa kanyang husay sa pagsasayaw sa It's Showtime, bilang miyembro ng boy group na Hashtags.
Ang unang celebrity dance star duo ni Zeus ay si Glaiza De Castro na nagpaapoy sa kanilang performance noong world premiere ng Stars on the Floor noong Sabado, June 28.
Kasama ni Zeus sa digital dance stars sina Dasuri Choi, Joshua Decena, JM Yrreverre, at Kakai Almeda. Samantala, kasama naman ni Glaiza sa celebrity dance stars sina Rodjun Cruz, Thea Astley, Faith Da Silva, at VXON Patrick.
Patuloy na tutukan ang Stars on the Floor tuwing Sabado, 7:15 p.m. sa GMA.
Silipin dito ang highlights ng world premiere ng Stars on the Floor: