
Binalikan ng Chinese actress na si Zhang Yingfei kung paano niya nakuha ang role bilang Lin Si Wang o Linda Walker ng hit micro-drama na The Heiress Who Won With Brains sa kanyang panayam sa batikang broadcast journalist at host na si Jessica Soho para sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Noong Lunes (June 8), bumisita sa bansa si Zhang Yingfei para i-promote sa mga estudyanteng Pilipino ang kahalagahan ng edukasyon.
Bukod sa pagiging isang aktres, isa ring musical actress si Zhang Yingfei. Ayon sa kanya, marami na siyang nilabasan na short dramas na nag-trend. Masaya rin siya na na-meet ang kanyang Pinoy fans.
Kuwento ni Zhang Yingfei, bago pa i-shoot ang The Heiress Who Won With Brains ay na-cast siya sa isang project.
"Para iyon sa ibang production house. Iyon nga lang for some reason, hindi na raw ako kasama roon sa project, e undergrad pa ako nu'n kaya syempre nalungkot ako. Pero baka raw blessing in disguise," sabi niya.
"Sobrang tagal ko po talagang naghintay ng feedback sa project na 'yon. Sobrang swerte ko talagang makasama ako roon sa palabas kasi very inspirational—'yung message about education, nakakapagpabago ng kinabukasan. May future kapag may alam. Kaya hindi lang 'to basta-bastang palabas lang. Napapaisip 'yung mga tao, at para sa akin, importante 'yon. Napakalaking bagay talaga at ikinararangal ko ito."
Nagbigay rin ng mensahe si Zhang Yinfei para sa mga kabataang Pilipino.
"Gusto ko pong humugot galing din sa drama. Gusto kong i-share sa lahat ng kabataang Pilipino na ang pagsubok, hindi mo dapat katakutan sa buhay. Basta nagsusumikap ka at magtyaga, at unti-unting pinagbubuti 'yung sarili, basta mag-aral mabuti, magandang kinabukasan ang naghihintay para sa 'yo," dagdag niya.
Nang tanungin kung isang rin ba siyang seryosong estudyante tulad ng kanyang karakter na si Linda Walker, sagot niya, "Siguro kasama po ako sa mababait na students. Pero 'di ko matatalo si Linda Walker. Pagdating naman sa paraan ng pag-aaral niya, hindi rin siguro ako makaka-score ng lagpas 700 points sa college entrance test. Arts student kasi ako, medyo mahina po ako pagdating sa Math, medyo mabilis po akong antukin d'yan e, pang-arithmetic level lang po ako. 'Pag nagma-math po ako, mabilis po talaga akong antukin."
Sa interview, sumalang din si Zhang Yingfei sa surprise quiz kung saan pinabilib niya si Jessica Soho sa kanyang perfect score.
Tulad ng kanyang karakter na si Linda Walker, lumaki rin si Zhang Yingfei sa isang probinsya sa China, ang Hebei. Kuwento niya, noong pa-junior high school na siya ay nakapasa siya sa test dahilan para makapunta siya sa Beijing. Kaya naman nakaka-rekate siya kay Linda Walker.
Ikinuwento rin ni Zhang Yingfei ang naging inspirasyon para mangarap na maging isang aktres.
"Sa loob ng bahay namin may TV set kami, 'yung lumang TV. Nu'ng time na 'yon sa napakaliit na screen na TV set na 'yan, may TV show ang title Lotus Lantern. Naisip ko, 'Wow! Anong career 'yan? Sobrang interesting.' Tapos, ayun, doon ko naisip na gusto kong maging artista.
"Speaking of being an actress, I would think of it's pure and simple. Hindi 'yan, whether kung sisikat ka o hindi ka sisikat. Kasi sa totoo lang 'yung halo mo, galing 'yan sa character na ginagampanan mo o role mo."
Ipinarating din ni Zhang Yingfei ang pasasalamat sa mnainit na pagtanggap sa kanya ng Pinoy fans.
"Maraming salamat po sa pagmamahal n'yo. Baka kaya rin po mainit ang pagsalubong sa akin dito sa Pilipinas kasi dahil kay Linda Walker. Mas gagalingan ko pa ang portrayal ko ng mga karakter. Gusto ko pong marami pang matuwa sa mga gagawin ko."
Panoorin ang buong interview ni Zhang Yingfei sa Kapuso Mo, Jessica Soho sa video na ito: