
Nakuha ng zombie comedy movie na Izla ang top spot sa top 10 movies ng Netflix Philippines.
Nagsimula itong maging available sa streaming service nito lamang November 25.
Tampok sa pelikula sina Isabelle Daza bilang Veronica, Beauty Gonzalez bilang Valerie at Elisse Joson bilang Venus na bumubuo ng V-Sisters, isang grupo ng vloggers.
Dadayo ang magkakapatid na vlogger sa bayan ng Kalimliman kung saan mayor ang kanilang Tito Anding, na gagampanan ni Niño Muhlach.
Kasama ng V-Sisters ang kanilang "mascot" na si Abi--karakter ni Aiko Climaco, producer na si Gina--karakter ni Sunshine Garcia at researcher na si Lani--karakter naman ni Analyn Barro.Aatasan ni Mayor Anding sina Badong na gagampanan ni Paolo Contis at Entoy na gagampanan naman ni Archie Alemania para maging tour guide ng grupo.
Mababalitaan ng V-Sisters ang tungkol sa Forbidden Island, isang liblib na isla sa bayan. Gusto nilang dito i-shoot ang kanilang prank video, kahit na ipinagbabawal ang pagpunta dito.
Dahil sa baba ng suweldo nila bilang tour guides, papayag sina Badong at Entoy na dalhin ang grupo sa Forbidden Island. Pagdating nila doon, makakaharap nila ang mga ninja na naging zombies!
Makakaligtas pa kaya ang grupo?
Ang Izla ay available for streaming sa Netflix. Isa itong co-production ng OctoArts Films, Mavx Productions at ALV Films.
Si Barry Gonzalez ang nagsilbing director ng horror-comedy flick, habang si Ays De Guzman naman ang nagsulat ng screenplay nito base sa story concept nina Erwin Blanco, Barry Gonzalez, Romero Salas Jr., Paul Junzen Al-Fakkas at J.R. Reyes.