
Ibinahagi ni Zoren Legaspi ang naging simula ng kanilang working relationship ni Lianne Valentin.
Si Zoren ay gaganap bilang Cesar, at si Lianne naman ay mapapanood bilang Stella sa Apoy sa Langit. Sa teasers na inilabas ng GMA Network ay ipinakita na ang ilang mga maiinit na eksena nina Zoren at Lianne sa GMA Afternoon Prime na serye.
Kuwento ni Zoren sa ginanap na virtual media conference para sa Apoy sa Langit, inaral niya ang kaniyang makakatambal sa serye dahil una nilang beses magkakatrabaho ni Lianne.
"I tried to study her, kung ano na ginawa nito. Pinanood ko 'yung mga few scenes niya kasi kailangan kong bagayan kung paano siya e. That's how I work. Ginu-Google ko talaga ang katrabaho ko so that makita ko kung ano 'yung personality, 'yung kalibre ng kanilang mga trabaho."
Ang Apoy sa Langit ang unang daring na role na gagampanan ni Lianne simula nang pasukin niya ang showbiz. Paliwanag ng actor at director nag-reach out siya kay Lianne nang malaman niyang may sensitive scenes sila sa show.
"Noong nasa Zoom kami I tried to chat with her, nakita ko, oh shoot, medyo 'yung mga eksena pala delicates. Ibig sabihin very sensitive 'yung mga eksena, mainit, nakakapaso."
Photo source: Apoy sa Langit/ Madz Aguilar
Dugtong pa ni Zoren, itinanong niya rin kung alam ng mga magulang ni Lianne ang gagawin niya sa Apoy sa Langit.
"I said, 'Hi, sabi ko ilang taon ka na?' Then she answered ganitong age. And I asked again something, 'Alam ba ng parents mo ang gagawin mo?' Hindi sumagot, sabi ko, 'A gano'n ha? Hindi ka sumagot a.'"
Pagdating sa lock-in taping ay hindi raw muna pinansin ni Zoren si Lianne. Kuwento niya, "'Yung first few days namin hindi ko siya pinapansin. Kaya siya natakot kasi feeling niya hindi ko talaga siya gusto. Sa akin is, okay if you want to work that way, I guess magkita na lang tayo pag nag-countdown five, four, three, two, one, action. Doon na lang tayo magkakaroon ng relationship."
Sa isang eksena, naramdaman ni Zoren ang takot at kaba ni Lianne. Dito na siya nagsimulang makipag-usap sa aktres.
Saad ni Zoren, "One day, sa eksena namin nakaramdam ako ng ibang klaseng hinga niya. 'Yung hingang akala mo hihimatayin. Sabi ko it's time for me to talk to this lady. Kinausap ko siya dahil naramdaman ko 'yung takot niya, 'yung tension niya, lahat ng muscle sa mukha niya it's moving."
Dito itinanong ni Zoren kung natatakot ba si Lianne at kung gusto niyang mag-back out.
"Naramdaman ko 'yung fear kaya kinausap ko siya sa isang sulok and then I asked 'Kumusta ka? Natakot ka na 'no? You want to back out?' 'Di ko na sasabihin 'yung ibang napag-usapan doon."
Binalikan naman ni Zoren ang sinabi ng direktor nilang si Direk Laurice Guillen tungkol kay Lianne.
"Like what Direk Laurice said, she's a fighter, doon ko naramdaman na 'I want to fight,' it's just that this arena is very new to her. Nangangapa talaga siya."
Sa virtual media conference ay tinawag naman ni Lianne si Zoren na generous at professional na co-actor. Saad ng aktres, "Ang masasabi ko lang talaga grabe talaga siya. Napaka-professional na aktor. Napakabait at sobrang generous."
Tutukan ang mga kaabang-abang na eksena nina Zoren at Lianne sa Apoy sa Langit world premiere, mamayang 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Samantala, narito ang mga ilang eksena mula sa lock-in taping ng Apoy sa Langit: