
Isa si Ken Chan sa mga saksi sa development ni Jennylyn Mercado bilang aktres.
Baguhang artista pa lang si Ken noong nakasama niya si Jennylyn sa pinag-usapang 2014 series ng Ultimate Star na Rhodora X.
Sandaling panahon lamang napanood si Ken sa Rhodora X dahil guest star siya rito. Gayunpaman, sa maikling panahon na iyon ay napahanga raw siya ni Jennylyn dahil sa pagganap ng aktres bilang babaeng mayroong multiple personalities sanhi ng sakit na dissociative identity disorder (DID) o split personality disorder.
Sa katunayan, pinapangarap daw ni Ken na makagawa rin ng ganitong klaseng proyekto kaya hindi niya sukat-akalain na mabibigyan siya ng ganitong role, ayon sa kanyang Facebook post noong June 18 kalakip ng isang article ng GMANetwork.com patungkol sa bago niyang GMA Afternoon Prime series na Ang Dalawang Ikaw na hango sa Rhodora X.
Ginagampanan ni Ken ang isang lalaking may DID sa Ang Dalawang Ikaw. Nakabuo ng bagong persona ang karakter niyang si Nelson sanhi ng trauma, bagay na maihahalintulad sa karakter ni Jennylyn sa Rhodora X na nakaranas ng physical and emotional abuse matapos ma-kidnap noong ito ay bata pa.
Lubos namang nagpasalamat si Ken kay Jennylyn sa suportang ibinigay ng aktres para sa kanyang new show.
"'Yung makatanggap ka ng ganito mula sa mga iniidolo mo. Thank you so much Jennylyn Mercado. Malaking bahagi ka kung bakit may ANG DALAWANG IKAW," sulat ni Ken sa hiwalay na Facebook post kasama ng screenshot ng mensahe ni Jennylyn.
Matapos ang Rhodora X, muling nagkasama sina Ken at Jennylyn sa 2018 GMA primetime series na The Cure.
Sa mga nais balikan ang full episodes ng Rhodora X, The Cure, at bagong seryeng Ang Dalawang Ikaw, pumunta lang sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang www.gmapinoytv.com para sa iba pang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang mga programa.