
Ginanap ang media conference ng bagong talent competition na Battle of the Judges kahapon, July 9, sa GMA Studio 6.
Dinaluhan ito nina Boy Abunda, Bea Alonzo, at GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon na magsisilbing mga judge sa talent show, at ang host nitong si Alden Richards. Hindi naman nakadalo ang isa pang judge na si Jose Manalo na kasalukuyang nasa US.
Base na rin sa titulo ng programa, maglalaban-laban ang mga hurado sa Battle of the Judges, maliban sa kani-kanilang mga manok. Pipili sila ng mga contestant at magsisilbing mentors sila ng mga ito.
Sa mediacon, natanong ang seasoned talent manager and host na si Tito Boy kung sino ang kinatatakutan niyang makalaban sa kapwa niya mga hurado.
Birong sagot niya, "Si Anette kasi siya ang may-ari."
Dugtong ng King of Talk, "'Yun ang unang sagot. Ang pangalawa naman, lahat talaga."
Ayon kay Tito Boy, lahat naman ng mga kalaban niyang judge ay may kanya-kanyang strength at inuna niya rito ang komedyanteng si Jose.
Bahagi niya, "Si Jose mahirap ding makalaban because he's very shrewd pero ang kanyang istilo, he cloaks his performance with comedy kaya ang hirap labanan. Hindi mo alam kung anong merong panlaban siya.
"And also, this is a discovery for me, I didn't realize that he is an excellent judge. Hindi ko alam 'yon."
Samantala, pinuri naman ni Boy ang GMA top executive na si AGV na aniya'y alam kumilatis ng talent kung para saan itong platform.
"Annette understands the power of where she is and it was a joke when I said, "Siya ang may-ari."
"But when Annette says, halimbawa to a contestant, na puwede ka sa telebisyon, puwede ka sa pelikula, alam niya 'yung kanyang pinanggalingan."
Si Bea naman daw ay "maganda na, she's talented pero walang kasing husay mangampanya," ayon kay Tito Boy. Ibinunyag kasi ng huli na competitive ang aktres dahil handa itong pagkagastusan ang contestants sa kanyang squad.
Mapapanood ang Battle of the Judges tuwing Sabado, simula July 15, 7:15 p.m. sa GMA.
NARITO ANG PASILIP SA SET NG BATTLE OF THE JUDGES: