
Dream come true para kay Tony Labrusca ang role na nakuha niya sa unang TV project niya sa GMA, ang afternoon drama na Binibining Marikit.
Sa serye, gaganap siyang Drew, ang guwapo at machong anak ni Mayumi, na gagampanan ni Pokwang. Half-brother ni Drew si Matthew, na gagampanan ni Kevin Dasom.
Ayon kay Tony, 29, minsan lang siya magkaroon ng role na naaayon sa kanyang edad.
"Ito 'yung first time na ma-feel kong bagets ako," ika niya.
"Kapag nagkaroon ako ng ganitong role, talagang I savor every moment and really try to enjoy this time kasi I don't know when I can have another role like this so I really wanna enjoy it and take it all in."
Magaan din daw sa set ng Binibining Marikit kaya masarap magtrabaho.
Sabi rin niya, "Masaya ako, lahat sila mabait sa 'kin. No'ng pang ilang taping days nga, sinabi ko sa kanila na hinihintay ko na may isa sa inyo na biglang magpakita ng totoong ugali pero, for now, wala. Mababait pa rin kaya it's a relief for me kasi sa ibang show na nagawa ko, it can be quite difficult. Iba 'yung feel.
"Here, everyone's nice. They are treating me the same, not treating me like an outsider so I really appreciate it."
Masaya rin daw katrabaho ang kanyang first Kapuso leading lady na si Herlene Budol. Aniya, "First time ko maka-experience na meron kaming bida na siya din 'yung source of energy namin."
Hindi naman naiwasang matanong si Tony kung magkakaroon sila ng kissing scene ni Herlene. Matatandaang nag-viral sa social media ang torrid kiss nila ni Angel Aquino sa 2018 romance film na Glorious. Pahiwatig ng aktor, "Secret...kung gusto n'yo malaman, kailangan n'yong panoorin."
Dahil sa kilig, hindi naman nakapagtimpi si Herlene at kinumpirmang mayroon siyang kissing scene kasama si Tony at sa isa pa niyang leading man na si Kevin.
Pinuri naman ni Tony ang pagiging naturalesa ni Herlene na umaming pinaghandaan niya ang nasabing intimate scene.
Komento niya sa kanyang leading lady, "Ito nga 'yung gustong-gusto namin kay Herlene na ganito s'ya sa set kaya masaya kami. Alam mo 'yun, we come on set, we do our best pero masaya ako na ganito 'yung vibes namin sa set na masaya lang, na we're there for each other. Minsan ang hirap na nga ng ginagawa natin, 'di ba, so we just have to be there for each other na lang."
Mapapanood ang Binibining Marikit mula Lunes hanggang Sabado, simula February 10, 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: Tony Labrusca is one good-looking bearded hunk