
Magsisimula na ang paghahanap ng hustisya sa pinag-uusapang drama sa hapon na Binibining Marikit.
Sa episode ng GMA Afternoon Prime series ngayong Biyernes, March 7, pinalayas na ni Gani (Cris Villanueva) ang kanyang anak na si Ikit (Herlene Budol) sa kanilang bahay para turuan ito ng leksyon nang sisihin ang huli sa pagkalaglag ng baby nila ni Rica.
Binuyo rin ni Rica (Almira Muhlach), stepmom ni Ikit, si Gani na paalisin si Ikit para walang sumira sa kanyang plano.
Akala ni Gani ay makikitira lang si Ikit sa kanyang kaibigan pansamantala. Hindi nito alam ay pupunta ito ng Japan para hanapin ang lalaking nang-scam sa kanya.
Nakuha namang magpaalam ni Ikit sa kanyang ama via text message pero binura agad ito ni Rica nang walang paalam kay Gani.
Pakiramdam ni Gani ay nagkamali siya sa pagpapalayas sa kanyang anak dahil na-miss niya agad ito.
Nang malamang mangingibang-bansa si Ikit, agad na nagpunta si Gani sa airport para habulin ang kanyang anak pero huli na ang lahat.
Sa Japan, makikilala ni Ikit ang kapwa niya Pinay na si Mayumi (Pokwang).
Patuloy na subaybayan ang Binibining Marikit weekdays, 4:00 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.