
Talaga namang nakakagigil ang mga tagpo sa pinang-uusapang drama sa hapon na Binibining Marikit.
Sa episode ng GMA Afternoon Prime series nitong Biyernes, April 11, naging magulo ngunit makabuluhan ang karanasan ni Ikit (Herlene Budol) bilang bagong pasok na tour guide sa resort na pagmamay-ari ng pamilya ni Matthew (Kevin Dasom).
Kahit baguhan, nabalot agad ng tensyon ang mga unang araw ni Ikit sa resort nang malaman ng stepmom ni Matthew na si Mayumi (Pokwang) na empleyado nila ang una.
Pilit naman siyang sinira nina Rica (Almira Muhlach) at Angela (Thea Tolentino) kay Mayumi pero ang bida, hindi nagpaapi sa mag-inang scammer.
Gumawa pa sila ng bagong patibong para lalong maitsapwera ni Mayumi si Ikit. Ninakaw ni Angela ang gown na dapat sana ay para sa anak ni Mayumi at dinala ito sa kwarto ni Ikit.
Sinuot naman ito ni Ikit sa fundraising ball, na ikinagalit ni Mayumi.
Nahuli agad ni Matthew na may nagnakaw ng nasabing gown sa pamamagitan ng isang CCTV footage. Naniniwala rin ang half-brother niyang si Drew (Tony Labrusca) na malinis ang konsensiya ni Ikit.
Napawi naman ang inis ni Mayumi kay Ikit nang isinakripisyo nito ang sarili niyang buhay matapos niyang mahuli si Walter na ginagamit ang kita ng fundraising ball sa maling paraan.
Mapapanood ang Binibining Marikit mula Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.
RELATED CONTENT: 'Binibining Marikit' lead cast, nag-enjoy sa Japan