Herlene Budol, may inamin sa 'Binibining Marikit' mediacon: 'Napakasuwerte ko'

Naging kuwela at mapangahas ang mga rebelasyon ni Herlene Budol sa media conference ng bago niyang serye na 'Binibining Marikit,' na mapapanood na simula sa February 10 sa GMA Afternoon Prime.
Ginanap ang media conference noong Lunes, February 3, sa Studio 6 ng GMA Network Annex.
Ayon kay Herlene, tila naka-jackpot siya dahil sa kanyang naggwagwapuhang leading men na sina Tony Labrusca at Kevin Dasom.
"Napakasuwerte ko sa 'Binibining Marikit' na 'to," bulalas ng aktres.
Pag-amin ni Herlene, mayroon siyang kissing scene sa pareho niyang leading men.
"Inalalayan po nila ako," aniya.
Biro pa niya, "Talaga 'yung toothbrush ko, talagang tinabi ko sa tulog ko."
Aminado naman si Herlene na kinilig siya sa kanilang intimate scenes pero, paglilinaw niya, propesyunal siya sa ganitong klaseng eksena.
Marami rin daw siyang natutunan sa dati niyang serye na 'Magandang Dilag,' na nakatulong para i-improve ang kanyang acting.
"Dito ko po mas itinama lahat ng pagkakamali ko do'n kasi, siyempre, bilang baguhan po, talagang inaral ko po 'yung karakter ng bawat isa."
Narito ang ilang larawan sa media conference ng 'Binibining Marikit.'

















