
Isang malaking biyaya para kay Kapuso actor Jon Lucas ang maging bahagi ng ang bagong full action series na Black Rider
Gumaganap siya sa serye bilang Calvin Magallanes, anak ng lider ng sindikatong Golden Scorpion. Siya rin ang magsisilbing kontrabida sa buhay ni Elias Guerrero, karakter ni primetime action hero Ruru Madrid.
Napanood na rin kagabi, November 7, ang unang pagkikita ng kanilang mga karakter kung saan nagbakbakan agad ang mga ito dahil sa alitan sa trapiko.
Bilang ganti, pinaulanan ni Calvin ng bala ang bahay ni Elias kahit kasama pa nito ang asawang buntis at isang musmos na anak.
Ibinahagi ni Jon na bago matanggap ang role sa serye, pinagiisapan na niyang magpahinga muna sa showbiz.
"Medyo pressured, medyo kinakabahan, minsan nagtatanong pa rin sa mga nakakasama. Alam n'yo po, kahit kailan hindi po nawala 'yung tiwala ko sa magagawa ng Diyos sa buhay ko. Ang nawala po talaga noon sa akin ay 'yung tiwala sa magagawa ko. Hanggang ngayon naman, minsan napapaisip pa rin, pero buong puso kong sinasampalatayanan na BIYAYA ito sa akin, sa amin. Sinalba nitong proyektong ito 'yung nawawala kong pag-asa na may magagawa pa ako sa industriya," sulat ni Jon sa kanyang Instagram account.
Nawalan daw ng kumpiyansa sa sarili ang aktor kaya ang pagbabalik lang ng kanyang self-confidence ang ipinapanalangin niya noon.
"Opo, hindi ko binanggit sa mga panalangin ko sa araw araw 'yung “BLACK RIDER” kasi mula naman noong Enero hindi ko alam kung ano ang susunod para sa akin. Ang lagi ko po na banggit sa Ama ay tulungan Niya akong manghawak pa, at maniwala na para dito pa ako sa industriyang pinaglagyan Niya sa akin," bahagi ni Jon.
Binigyan rin niya ang sarili niya ng isang ultimatum.
"Pasuko na po, magpapaalam na muna sana na magpahinga. Hanggang sa nag-message sakin handler ko na may taping ako ng “TADHANA” kaya sabi ko “Sige po go ako”. Balak ko after noon, okay na siguro muna ako. Isipin ko munang mabuti kung ano 'yung mga dapat kong i-improve. ISIPIN MUNA kung okay pa ba ako dito?" paggunita ni Jon.
Pero nakukuha niya ang magandang balita sa 'di inaasahang pagkakataon.
"Hanggang sa taping mismo ng TADHANA, doon ko nalaman na kasama ako sa BLACK RIDER BUTI PALA NAG GO AKO!! Buti pala kahit wala akong tiwala na sa sarili ko, nagtiwala pa rin ako sa Diyos. Nagpatotoo Siya sa atin ulit. ," lahad niya.
Kaya naman iniaaalay niya sa Diyos ang biyayang ito at nangakong pagbubutihin pa ang trabaho.
"Basta mula noon hanggang ngayon, alam kong hindi dahil sa ako'y magaling, kundi dahil sa Diyos lahat nanggagaling.
"Kaya alam ko rin na lahat ng ginawa at ibinigay namin ay sinamahan Niya kami. Anoman ang maging resulta nito, ngayon palang sa Panginoong Diyos ang lahat ng kapurihan!," ayon kay Jon.
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Bukod kay Jon Lucas, makakasama ni Ruru Madrid sa serye sina Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Yassi Pressman, Kylie Padilla, at marami pang iba.
Sumama sa biyahe ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.