
Para kay Ruru Madrid, isang malaking pangarap na natupad ang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng Kapuso Network na bumida sa bigating action series na Black Rider.
Bata pa lamang ay pangarap na ng aktor na maging action star dahil na rin sa hilig niyang manood ng action films nina Fernando Poe Jr., Robin Padilla, at Phillip Salvador.
"Pinangarap ko nga kasi talagang maging action star. Parang ito 'yung full action talaga na serye na matagal ko ng pinapangarap," kuwento ni Ruru sa GMANetwork.com para sa Kapuso Profiles.
Dagdag niya, "Napakaswerte ko na napabilang po ako sa proyekto na ito. Makasama po 'yung mga action stars na tinitingala ko, mga dekalibreng mga artista na talagang mahuhusay na siguradong marami akong matututunan, that's the dream. To be part of this project, malaking pangarap na 'yon para sa akin."
Bukod sa dream come true na proyekto, muli ring nakasama ni Ruru sa serye ang iniidolong action star na si Phillip Salvador, na naging mentor niya noon sa talent show ng GMA na Protege.
"Nakakatuwa lang na siyempre Phillip Salvador, bukod sa napakahusay niyang action star ay napakahusay rin niyang aktor.
"Ang pinaka hindi ko malilimutang advice niya sa akin ay 'Okay na gumawa ng action kung 'yan talaga ang gusto mo, gawin mo 'yan. Kung 'yan talaga pangarap mo gawin mo. Pero lagi mong tatandaan na bago ka makipaglaban, dapat lagi mong aalalahanin ang puso ng istorya at doon nanggagaling 'yung drama.'
"So kahit na ano pang klaseng fight routine 'yan [at kahit] gaano kadelikadong stunts ang ginagawa ko, hindi ko dapat mapabayaan 'yung drama. Iyon 'yung gusto kong dalhin hanggang pagtanda ko, hanggang ipasa ko na sa mga younger generations of actors 'yung mga natutunan ko sa mga nauna sa akin, 'yun 'yung gusto kong gawin."
Patuloy na subaybayan si Ruru Madrid sa full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.
MAS KILALANIN SI RURU MADRID SA GALLERY NA ITO: