
Subok na masasandalan ng award-winning comedian na si Michael V. ang mga kasamahan niya sa longest-running Kapuso gag show na Bubble Gang, lalo na't dumadaan siya sa matinding pagsubok sa pagpanaw ng kanyang ama na Cesar Felix Bunagan sa edad na 77.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa mga co-stars niya sa show, isa-isa silang nagpaabot ng mensahe ng suporta sa kanilang leader at creative director.
Ayon kay Diego Llorico, dumalaw din sila sa burol ng ama ni Direk Bitoy.
Aniya, “Siyempre nakikiramay kami kay Bitoy, pumunta kami lahat doon para iparamdam naman sa kanya talagang taos puso 'yung pakikiramay namin.”
Binalikan din ni Diego ang best memory niya kay Tatay Cesar na mapagbiro din daw.
Wika niya, “Nung mga nag-uumpisa pa lang 'yung Bubble Gang, nagpupunta na si Tatay niya noon.
“Actually, dati noon binibiro na niya ako, nung mga time nung umpisa ng Bubble Gang. Kasi siyempre alam niya halos kasabay kami ni Bitoy mula noong umpisa, 'di ba?”
WATCH: Michael V, inalala ang namayapang ama
Pinuri naman ni Betong Sumaya si Michael V. bilang isang ulirang anak, at pinayuhan niya ito na alalahanin ang magagandang memories kasama ang kanyang ama.
Saad ni Betong, “Naranasan ko na rin mawalan ng tatay. Alam ko na ang hirap kasi siyempre buhay mo eh, buong buhay ng tatay mo nandun ka eh.
"Ang maganda kay Kuya Bitoy, ibinigay niya lahat eh para mapasaya 'yung tatay niya. 'Yun palagi ang iisipin na lang, 'yung mga masasayang memories, kasi nagawa eh.
“Nadala niya sa ibang bansa, nagkaroon ng 50th wedding anniversary. Siguro aalalahanin na lang 'yung masasayang sandali, [kahit] alam ko masakit.“
Lubos din humanga ang Kapuso comedian na si Sef Cadayona sa ipinakitang professionalism ni Michael V. dahil hindi naapektuhan ang trabaho nito, kahit may matinding pinagdaanan.
“Kung mayroon kang takeaway kay Kuya Bitoy na gusto ko matutunan, it's him being one billion gazillion percent professional! Kaya ano 'yun eh work is work, family is family.”