TV

Jose Manalo, Kakai Bautista, at Derrick Monasterio, tampok sa bagong game show na 'Catch Me Out Philippines'

By Dianara Alegre

May bagong Kapuso reality game show na dapat abangan sa GMA Network na pinangungunahan ni Jose Manalo kasama sina Kakai Bautista, at Derrick Monasterio.

Bago ang konsepto nito at first time mapapanood sa bansa ang Catch Me Out Philippines. Sa reality game show, magpapakitang gilas ang mga pangkaraniwang tao na may hindi pangkaraniwang talento at mala-professional kung mag-perform.

Source: ilovekaye (Instagram); derrickmonasterio (Instagram)

“Ito 'yung mga taong nangangarap na maging ganito sila pagdating ng oras. Pinili sila at hindi lang 'yung talent nila ginamit nila. Tinrain talaga sila ng mga ilang buwan. During the quarantine pa lang nagte-train na sila,” ani Jose nang makapanayam ng 24 Oras.

Makikipagsabayan sila ng mga totoong professionals sa iba't ibang larangan at magkakaroon ng celebrity guest judge sa bawat pagtatanghal na siyang huhula kung sino ba sa mga performer ang nagpapanggap lamang at sino ang mga propesyonal.

“Maganda dito sa show na 'to sobrang may puso siya 'tsaka makamasa siya, e. Kasi bibigyan nga namin ng chance 'yung mga normal na tao…na nakikita natin sa labas na ipakita 'yung talento nila,” sabi pa ni Derrick.

Dagdag pa ni Kakai, maaaring sumali sa show ang sinumang nais na magpakita ng natatangi nilang talento sa kahit ano mang larangan.

“Everything na you can think of na pwedeng gawin ng isang tao like 'yung kunyari magiging clown, pagkanta, pagsayaw, or anything pwedeng talent na maisip mo or 'yung mga ginagawa ng entertainers pwedeng gawin dito sa 'Catch Me Out',” aniya.

Samantala, naging magaan umano para kay Jose na makasama sina Kakai at Derrick dahil swak silang maging Celebrity Spectators saCatch Me Out Philippines.

“Off-cam para na kaming mga matagal nang magkakakilala, e. 'Yun nga 'yung kagandahan. Hopefully makita 'yun ng mga tao 'yung bond namin,” ani Derrick.

Ayon naman kayi Kakai “sobrang nakaka-positive sa pag-iisip” itong bagong proyekto nya sa GMA.

“I think this will be a very refreshing series,” dagdag pa niya.

Inihalintulad naman ni Jose kina Wally Bayola at Paolo Ballesteros ng JoWaPao ng Eat Bulaga sina Kakai at Derrick.

“Sa 'Bulaga,' ang kasama ko JoWaPao, pero itong dalawa na 'to parang 'yun ding 'yung kasama ko. Hindi ko alam kung sino si Wally, kung sino si Pao sa dalawa pero napakagaling nung drive nitong dalawa na 'to. Parehong magaling,” sabi pa ng komedyante.

Mapapanood na ang Catch Me Out Philippines simula February 6 sa GMA!

Panoorin ang buong 24 Oras report DITO.