
Handang-handa na ipakita ni Jose Manalo ang mga pambato ng Catch Me Out Philippines sa mundo ngayong nalalapit na ang pagpapalabas ng game-reality-talent show sa GMA-7.
Sa virtual media conference na naganap noong January 26, isinaad ng host na ibang klase ang mapapanood ng mga Kapuso sa show na tunay namang pang-world class.
Paliwanag pa niya, hindi aakalain ng mga manonood na isang amateur ang nagpeperform kasama ng mga propesyunal.
Aniya, “Dito sa 'Catch Me Out Philippines,' meron talaga silang [contestants] dream. Halimbawa, meron akong sayaw na gusto kong magawa which is 'di ko naman nagagawa in real life.
“Kaya pag nakapasok sila sa audition, ite-train na sila ng mga professional. Sabihin na natin belly dancing, tuturuan sila ng pinakamagaling na belly dancer na makukuha.
“Dadaan sila sa training na para pag sinalang sila on stage, as in hindi mo masasabi na amateur sila at magmumukha silang professional. Masasabi mo pa nga na mas magaling pang sumayaw 'yung amateur kaysa dun sa ibang professionals kaya malilito talaga 'yung mga nagdya-judge pati mga manonood.”
Bitiw pa ni Jose, walang ginawang daya ang show kaya talagang magugulat ang mga manonood sa mga makikita nila sa show.
“Wala kaming ginagawang iba para lituhin ang mga tao,” aniya.
“As in sila mismo, 'yung mukha nila at itsura nila. Hindi sila naka-blur, except sa VTR lang mismo.
“Pero during the contest, sila talaga mismo kaya ang hirap hulaan. Pati kami nina Derrick at Kakai, hindi namin alam 'yung amateur sa professional kaya kami nakikihula.”
Nang tanungin si Jose kung ano ang mas mahirap pag dating sa hulaan ang Catch Me Out Philippines o Bawal Judgmental sa Eat Bulaga, sagot niya mas challenging ang nauna.
Wika ng host, “Sa akin mas mahirap 'yung may talent kasi kumikilos na sila pero hindi mo pa rin sila mai-judge, e.
“Unlike 'yung 'Bawal Judgmental' kasi nagre-revolve sa story 'yung sinasabi nila so minsan nalalaman mo agad kung sino pero mahirap hulaan pa rin.
“Ang kaibahan kasi dito gumagalaw 'yung tao at nakikita mo 'yung mukha pero hindi mo mahulaan kung professional ba o amateur siya.
“Regarding naman sa 'Bawal Judgmental' ang nahihirapan talaga diyan 'yung namimili -- 'yung guests kasi sila nanghuhula. Pero siguro mas mahirap 'yung manghula ng hindi gumagalaw kasi wala silang facial expression tapos 'yung topic napakaganda, hindi mo talaga alam kung sino.”
Mapapanood ang Catch Me Out Philippines simula February 6, 7:15 p.m. sa GMA-7.
Habang naghihintay, tingnan ang ilang behind-the-scenes photos ng cast at show sa gallery na ito: