
Muling kinilala ang husay ni Bossing Vic Sotto pagdating sa comedy, matapos manalo sa 34th Star Awards for Television.
Itinanghal ng Philippine Movie Press Club (PMPC) si Vic bilang Best Comedy Actor para sa performance niya bilang Barak Otogan sa hit Saturday night sitcom na Daddy's Gurl.
Sa isang video message, isinilarawan ni Bossing ang bagong parangal niya na patunay na sa kabila ng hirap na pinagdadaanan natin ngayon ay makakamit pa rin natin ang tagumpay.
Aniya, “Ito ay isang patunay lamang na kahit tayo ay may pinagdadaanan at may pagdaanan pa sa mga panahong ito na basta tayo ay may pananalig at tiwala sa isa't isa ay makakamit pa rin ang tagumpay. Tuloy lang ang laban at makakaraos rin tayo.”
Samantala, napili naman bilang Best Comedy Actress ang kapwa Kapuso na si Manilyn Reynes. Bukod pa diyan, itinanghal naman na Best Comedy show ang award-winning show na Pepito Manaloto.
Sa Instagram post ng actress-singer, nagbigay pugay siya sa kanyang home network sa pagkakataon na makapaghatid ng saya sa manonood bilang Elsa Manaloto.
Wika niya, “Salamat po ng marami sa Kapuso GMA 7, sa pagkakataong ibinigay niyo sa akin na mapasali sa palabas na ito. Nakakasaya po ng puso ang mapansin ang pinagsamang trabaho ng bawat isa sa amin sa show~ mula sa creative team, artists, staff at crew at buong production.”
Congratulations and more power sa bumubuo ng Daddy's Gurl!