
Masusubok ang pagkakaibigan nina Manilyn Reynes at Kitkat bilang sina Pipay at Shonda sa fresh episode ng 'Dear Uge' na pinamagatang 'Bagirls.'
Miyembro ng '80s “It Girls” trio na Bagirls sina Pipay (Manilyn) at Shonda (Kitkat) at muli silang magtatagpo sa burol ng kanilang ikatlong miyembrong si Maria Janice. Malayong-malayo sa kanilang image noon, isa nang simpleng maybahay si Pipay habang naadik naman sa pagpaparetoke si Shonda.
Kung dati ay best friends ang turing nila sa isa't isa, magiging magkaribal ang dalawa nang mabalitaan nilang ipinagkaloob ni Maria Janice sa pinakakarapat-dapat na “Bagirl” ang lahat ng kanyang yaman.
Magpapagalingan sa iba't ibang challenges sina Pipay at Shonda at maraming mauungkat tungkol sa kanilang nakaraan. Pero dahil na rin sa kanilang pinagsamahan, matututo rin silang patawarin ang isa't isa.
Pero, paano ang mangyayari kung bigla silang damputin at malagay ang kanilang buhay sa alanganin? Dito na ba nila tatalikuran ang isa't isa para iligtas ang sarili nila?
Samantala, isang special guest ang sasalo kay Uge at magkokomento tungkol sa Bagirls.
Paniguradong riot ang katatawanan at kuwentuhan sa Dear Uge! Tutok na ngayong Linggo, June 13, pagkatapos ng GMA Blockbuster.